MANILA, Philippines - Tatangkain ni Jeson Patrombon na hindi masayang ang magandang inilalaro sa 17th Sarawak Chief Minister’s Cup nang makapasok siya sa finals ng boy’s singles na ginaganap sa Kuching, Malaysia kahapon.
Hindi pinahintulutan ng 17-anyos na si Patrombon na mabiktima rin siya ng German qualifier na si Jannis Kalkhe sa pamamagitan ng 6-3, 6-1, panalo sa semis.
Dahil dito, nakaabante si Patrombon sa ikalawang sunod na paglalaro sa Finals at makakatapat ang second seed Aussie player Andrew Whittington na pinagpahinga naman si Robin Kern ng Germany, 6-2, 7-5.
Hanggad ng Iligan City netter na 10th ranked sa mundo, na makuha ang titulo matapos mabigo sa Chang LTAT ITF Championship sa Thailand noong nakaraang linggo.
Kung palarin laban kay Whittington, makakabawi rin si Patrombon sa tinamong 4-6, 3-6, kabiguan nila ni Jaden Grinter ng New Zealand sa finals ng boys doubles kontra kina Luke Seville at Joey Swaysland ng Australia.
Nais ni Patrombon na magkaroon ng makinang na pagtatapos sa Grade I event na ito dahil sunod niyang laro ay sa Pilipinas sa 22nd Mitsubishi Lancer International Tennis Championships sa Rizal Memorial Tennis Center.
Top seed din si Patrombon sa kompetisyon at marami ang umaasang mananalo ito para magkaroon na rin ang host country ng kampeon sa boys singles.
Tanging sa girls division lamang nakakaporma ang lahok ng bansa sa Mitsubushi Lancer at sina Francesca LaO’, Jennifer Saret at Maricris Fernandez ang siyang mga hinirang na kampeon sa nasabing dibisyon.