Celtics inilusot ni Allen sa panalo vs Hornets
NEW ORLEANS - Nanggaling ang Boston Celtics sa isang kabiguan sa Houston at naglaro nang malamya laban sa New Orleans.
At muling sinandigan ang kanilang depensa at matinding outside shooting na naglagay sa kanila sa itaas ng Eastern Conference.
Tumipa si Ray Allen ng 20 points, kasama rito ang dalawang freethrows sa huling 2.8 segundo, upang tulungan ang Celtics sa 89-85 pagtakas sa New Orleans Hornets.
Hinakot rin ni Allen ang isang mahalagang offensive rebound na naglagay kay Glen Davis sa foul line para sa 87-83 lamang ng Celtics sa huling 15.2 segundo.
Tumapos si Davis na may 20 points.
Humabol ang Celtics mula sa isang 41-56 agwat sa third quarter bago nakadikti sa Hornets buhat sa isang 23-6 run at tuluyan nang naagaw ang unahan sa 67-64.
Hindi na nila nilingon pa ang New Orleans.
Nilimita ng Celtics ang Hornets sa 34 points sa kabuuan ng second half at pinuwersa sa 6-of-21 shooting (28.6 percent) sa third quarter.
“The energy level changed,” sabi ni Davis. “We started doing the things we know how to do best. We changed the tempo of the game and we made them uncomfortable in the things they had been doing.”
Winakasan ng Boston ang kanilang three-game road losing skid at muling nakatabla sa Chicago Bulls para sa best record ng conference.
Sa iba pang resulta, nanalo ang L.A. Clippers sa Cleveland, 100-92; Miami sa Denver. 103-98; San Antonio sa Charlotte, 89-85 at Portland sa Philadelphia, 110-101.
- Latest
- Trending