Melindo, 3 pang Pinoy wagi sa Pinoy Pride 4
MANILA, Philippines - Dalawang matitinding uppercuts ang pinakawalan ni Milan Melindo para tapusin agad si Rosendo Vega ng Mexico at makumpleto ang dominasyon ng mga Filipino boxers sa idinaos na Pinoy Pride 4 sa Cebu City Waterfront Hotel nitong Sabado ng gabi.
Nakabangon man matapos tamaan ng unang uppercut, humalik uli si Vega sa lona sa ikalawang uppercut ni Melindo para tuluyang mabilangan ni referee Bruce McTavish.
Ang oras na natapos ang laban ay 2:59 sa first round upang mapalawig ng 23-anyos tubong Cagayan de Oro ang kanyang malinis na karta sa 24-0 kasama ang 8KOs.
Sina AJ Banal, Rocky Fuentes at Romeo Jakosalem ang iba pang Filipino boxers na nanaig sa mga dayuhan upang mapawi ang kabiguang nalasap ni Marjun Yap.
Matagumpay na naidepensa ng 22-anyos na si Banal ang WBO Asia Pacific bantamweight title nang patulugin sa second round si Francis Miyeyusho ng Tanzania nang gamitan ng tubong Bukidnon ng matitinding suntok at tat- long beses bumagsak ang kalaban sa second round.
Ito ang ika-24 panalo sa 26 laban ni Banal at naiakyat niya ang KO record sa 19.
Isang unanimous decision naman ang iniukit ni Fuentes laban kay Indonesian boxer Jemmy Gobel habang si Jakosalem ay nakabawi sa dalawang maagang knockdown upang maikasa ang 8th round TKO panalo laban kay Canadian boxer Steve Claggett.
Dalawang beses na tumumba si Jakosalem sa third round pero dala ng suporta ng manonood at tibay ng dibdib ay nalusutan pa rin niya ang pahirap ni Claggett.
- Latest
- Trending