Gold uli kay Mangrobang sa Open Water Swim naman
CANDELARIA, Zambales, Philippines - Namuro ang 19-anyos na si Kim Marion Mangrobang bilang posibleng pinakamahusay na manlalaro sa ginaganap na Zamba Multisports Festival nang kunin ang kampeonato sa Open Water Swim na ginanap mula Dawal Beach patungong Potipot Island at pabalik sa pinagsimulan ng karera.
Isang kasapi ng national triathlon team at nanalo sa Asian Beach Games test race sa Oman, Jordan noong nakaraang taon, inilabas ni Mangrobang ang husay sa paglangoy nang kunin niya ang 2-kilometrong karera sa bilis na 38 minuto at 33 segundo at tumapos pa na pang-apat sa pangkalahatan.
“Malakas ang alon sa kanang bahagi at ito lamang ang nagpahirap sa akin pero na-manage ko ito,” wika ni Mangrobang na naunang dinomina ang duathlon event nitong Sabado ng umaga.
Maaari niyang makuha ang ikatlong tagumpay sa tatlong araw na kompetisyon na inorganisa ni Gov. Hermogenes Ebdane Jr. katuwang ang provincial administrator at chairman ng palaro Jun Omar Ebdane sa paglahok sa Black Sand Triathlon.
Wala namang nakasabay sa husay ng Canadian triathlete na nais maging Pinoy na si Matt O’Halloran nang maorasan lamang ito ng 32 minuto at 50 segundo.
Napag-iwanan nga siya ni Cagayan de Oro triathlete Philip Jurolan sa unang 400 metro ng karera pero hindi naman naging problema ito dahil tumulin si O’Halloran habang unti-unti namang naubos si Jurolan na tumapos sa ikalawang puwesto sa 34:45 tiyempo.
Pumangatlo sa karera si Jeff Laguito sa 36:25 oras.
Suportado rin ng Chris Sports, nagpasikat din ang mga koponan mula Manila sa Black Sand Ultimate Frisbee Championship laban sa dalawang koponan mula Subic.
Ang Sunken Pleasure ng UP ay nanaig sa Space Cakes, 13-4 para sa elite title habang ang Team Flying Pancakes ay nanaig sa Disc Bandits ng Subic, 13-12, sa novice class.
- Latest
- Trending