MANILA, Philippines - Si dating international referee Carlos “Sonny” Padilla, namahala sa ilang world championship bouts, kasama na rito ang “Thrilla in Manila” noong 1975, ang tatanggap ng Lope “Papa” Sarreal Milestone Award para sa kanyang kontribusyon bilang third man sa 11th Gabriel “Flash” Elorde Memorial Boxing Awards and Banquet of Champions sa Marso 25 sa Grand Ballroom ng Sofitel Philippine Plaza Hotel.
Si Padilla, ama ni singer-actress Zsa Zsa at lolo ni rising star Karylle, ang nangasiwa sa mga championship fights nina Sugar Ray Leonard, Roberto Duran, Marvin Hagler, Alexis Arguello, Salvador Sanchez, Mike Tyson, Evander Holyfield, Larry Holmes, Michael Spinks, George Foreman, Ken Norton, Tommy Hearns, Wilfred Benitez, Julio Cesar Chavez, Hector Camacho at iba pang world champions.
Ang huling laban na hinawakan ni Padilla ay ang 10th-round stoppage ni Manny Pacquiao kay Nedal Hussein ng Australia sa Antipolo noong 2000.
Ang 75-anyos na si Padilla ang magiging kauna-unahang tatanggap ng Lope “Papa” Sarreal Milestone Achievement Award.
Ang awards rites, idinadaos bilang paggunita kay Flash Elorde sa kanyang pagdiriwang ng ika-76th birth anniversary, ay magpaparangal rin kay Pacquiao bilang “Quintessential Athlete”.
Bibigyan rin ng parangal sina Nonito Donaire, Donnie Nietes at Ana Julaton bilang Boxers of the Year ng 2010.