Robeno, Mangrobang kampeon sa Zambales duathlon event
CANDELARIA, Zambales--Sinandalan ni Javier Robeno ang lakas sa unang run at bike leg para kunin ang kampeonato sa men’s elite sa duathlon competition na bahagi ng ikalawang araw ng Zamba MultiSports Festival.
Kuminang din si Asian Beach Games test event champion Kim Mangrobang sa kababaihan habang ang mga tubong Candelaria na sina John Leerams Chicano at Ronald Lomotan ang nagpasiya sa kanilang mga kababayan sa event na inorganisa ng pamahalaang lokal sa pangunguna ni Governor Hermogenes Ebdane Jr. at Provincial administrator at overall chairman ng torneo Jun Omar Ebdane.
“Hindi ako nagkaproblema sa bike pero nahirapan ako sa run legs dahil sa head wind kaya masaya ako dahil ako ang nanalo sa unang edisyon ng duathlon sa kompetisyong ito,” wika ng 25-anyos tubong Santo Tomas, Pangasinan na naorasan ng isang oras 12 minuto at 47 segundo at isantabi ang hamon ng number one duathlete ng bansa na si August Benedicto.
Umalagwa agad si Robeno sa 5-k run sa bilis na 17:42 bago nanguna pa sa 30-k bike sa 45:17 para magkaroon na ng 1:35 bentahe kay Benedicto papasok sa huling 2.5 run leg.
Pinakamabilis sa yugtong ito si Benedicto sa 9:14 marka o 34 segundo angat kay Robeno pero hindi sapat ang ipinakita para makontento na lamang ang tubong Paniqui, Tarlac sa ikalawang puwesto sa 1:13:48.
Pumangatlo si assistant coach Jeff Valdez sa 1:13:55 at ang paghihirap na ginawa ng tatlong duathletes ay nagbunga naman ng pagsungkit sa gantimpalang P6,000, P4,000, at P3,000 na personal na iniabot ni Gov. Ebdane.
Wala namang nakalaban si Mangrobang sa kababaihan para madaling madomina ang karera sa tiyempong 1:28:11.
Ang 23-anyos na marathoner na si Miscelle Gilbuena ang pumangalawa sa 1:33:33 habang si Rowena Valdez ang pumangatlo sa 1:50:03.
- Latest
- Trending