Pinoy wrestlers Palaban sa Seag Gold
MANILA, Philippines – Kumbinsido ang coaches ng wrestlers na kikinang uli ang gagawing kampanya sa 26th Southeast Asian Games dahil na rin sa tinatamong suporta ngayon sa PSC.
Ang wrestling team ay pinagkaitan ng tulong pinansyal sa nagdaang PSC administrasyon pero hindi naging balakid ito dahil nanalo sila ng tatlong ginto sa Laos dalawang taon na ang nakalipas.
Sina Margarito at Jimmy Angana at Jason Balabal ang kumuha ng tatlong ginto upang magkaroon ng mabungang kampanya ang koponan sa nasabing kompetisyon.
“Ngayon ay naibalik na ang dating wrestlers na nawalan ng allowances habang in the process naman ang ibang nasa pool,” wika ni coach Carlomagno Canta na nakasama ni coach Violeto Agustin at wrestlers Margarito at Roberston Torres ay dumalo sa SCOOP sa Kamayan sa Padre Faura kahapon.
Tanging problema ngayon ng wrestling team ay ang detached service order mula sa iba’t ibang sangay ng AFP para tuluyang makapagsanay na ang mga ilalaban sa Indonesia.
May 20 manlalaro ang bumubuo sa wrestling team ngayon na magbabaka-sakaling manalo sa Indonesia na kung saan 21 ginto ang nakataya sa kompetisyon.
Tig-walong ginto ang paglalabanan sa kalalakihan sa Greco Roman at Freestyle habang lima naman ang nakataya sa freestyle sa kababaihan.
“Tinitingnan namin na makapagpadala ng 11 manlalaro sa Indonesia at lahat ng mga ipadadala ay kayang manalo ng 11 ginto. But realistically speaking kaya naming kumuha ng pitong ginto,” wika pa ni Agustin.
Ang tatlong gold medalist ang pangunahing sinasandalan sa Indonesia bukod pa sa bagitong si Torres na lalaban sa heavyweight. May laban din ang alinman kina assistant coach Melchor Tumasis o Rexel Jandog habang ang dalawang lady wrestlers na sina Maribel Jambora at Cristina Vergara ay hindi padadaig sa kanilang dibisyon.
Si Jambora ay bronze medalist sa Laos sa 45 kilogram class.
Sa ngayon ay puspusan ang pagsasanay ng national pool mula alas-6 hanggang alas-8 ng umaga at kung mapapahintulutan ay balak nilang magsanay uli sa Mongolia o Bulgaria at lumahok sa Asian Wrestling Championships sa Uzbekistan sa Mayo bilang parte ng international exposures.
- Latest
- Trending