Patrombon papalo sa semis
MANILA, Philippines – Nagawang makabalik ni Jeson Patrombon mula sa pagkakabaon upang dispatsahin si Nick Krygios ng Australia, 7-5, 3-6, 6-4 at umusad sa quarterfinal round ng 17th Sarawak Chief Minister’s Cup Tennis Championship na ginaganap sa Kuching, Malaysia.
Naligtasan ng 17-anyos na si Patrombon ang mahigpit na labanan nila ng Aussie netter sa first set, bago nagawa niyang umahon sa second set matapos maglabas ng solidong laro upang hatakin ang deciding third set.
Susunod na haharapin ng tubong Iligan City na tenista, sinampahan ang No. 10 sa world ranking, ang sixth pick na si Julien Cagnina ng Belgium para sa pag-asinta ng puwesto sa semis round.
Itinakda ni Cagnina ang kanilang paghaharap ni Patrombon matapos na iposte ang 6-2, 6-0 pananaig laban sa No. 12 na si Pedja Krstin ng Serbia.
Nananatiling nasa kontensiyon pa rin si Patrombon para sa kanyang inaasam na doubles crown katulong ang kanyang kaparehang si Jaden Grinter ng New Zealand matapos payukurin ang tambalang Morgan Johansson ng New Zealand at Stefan Lindmark ng Sweden sa iskor na 6-3, 6-4.
Haharapin nila Patrombon at Grinter ang No. 4 seed duo na sina Kimmer Coppejans ng Belgium at Maxim Lunkin ng Russia na pinatalsik naman ang pares nina Jonas Merck ng Belgium at Paul Montelban ng Netherlands, 6-4, 6-2 sa semis.
Nakalikom na si Patrombon ng 150 ITF ranking points matapos ang kanyang panalo sa singles bagamat kinapos siya para sa kanyang kampanya na masikwat ang korona sa Thailand noong isang linggo.
- Latest
- Trending