'Di maawat ang Smart Gilas
MANILA, Philippines – Maliban kay 6-foot-11 American Marcus Douthit, naging problema rin ng Elasto Painters si pointguard JV Casio.
Nagposte si Casio ng game-high 29 points, tampok ang kanyang 5-of-7 shooting sa three-point range, 4 assists at 3 rebounds para igiya ang Smart-Gilas Pilipinas sa 99-94 panalo laban sa Rain or Shine at patuloy na pangunahan ang elimination round ng 2011 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Nagdagdag ang 30-anyos na si Douthit ng 23 points, habang may 22 si Chris Tiu kung saan 15 rito ay kanyang hinugot sa second half, para sa 5-0 baraha ng Nationals kasunod ang Alaska Aces (4-1), Talk N Text Tropang Texters (4-1), Elasto Painters (3-2), Ginebra Gin Kings (3-2), Derby Ace Llamados (2-3), Powerade Tigers (2-4), Air21 Express (1-3), San Miguel Beermen (1-4) at Meralco Bolts (0-4).
“We want to go into the playoffs and take position one or two,” ani Serbian coach Rajko Toroman sa kanyang koponan. “We are on the right track to make it happen.”
Matapos itabla ni Doug Kramer ang Rain or Shine, nasa isang two-game losing skid ngayon matapos magtala ng 3-0 rekord, sa 60-60, isang 10-0 atake ang ginawa nina Casio, Douthit at Chris Lutz para ibigay sa Smart-Gilas ang isang 10-point lead, 70-60, sa 2:38 ng third period.
Ipinoste ng Nationals ang pinakamalaki nilang bentahe sa 12 puntos, 93-81, sa 4:59 ng fourth quarter mula sa dalawang freethrows ni Casio bago maghulog ng isang 13-4 bomba ang Elasto Painters ni Yeng Guiao sa likod nina import Hassan Adams, John Ferriols at Jeff Chan para sa kanilang 94-97 agwat sa huling 8.2 segundo.
Ang dalawang freethrows ni Tiu buhat sa foul ni Gabe Norwood sa nalalabing 6.7 segundo ang tuluyan nang sumelyo sa panalo ng Smart-Gilas.
Samantala, maghaharap naman ngayong alas-6 ng gabi ang Tropang Texters at ang Aces sa Cagayan De Oro City kung saan pag-aagawan nila ang ikalawang puwesto.
Kapwa nanggaling sa malaking panalo ang Alaska ni Tim Cone at Talk N Text ni Chot Reyes matapos talunin ang Derby Ace, 97-91, at Rain or Shine, 99-78, ayon sa pagkakasunod.
“Talk N Text is a tough opponent but wer familiar with the place (Cagayan),” ani Cone sa Tropang Texters na magpaparadang muli kay Paul Harris. “Harris is a tough one-on-one player. I’m impressed when I saw him in the (NBA) D-League.”
Smart Gilas 99 - Casio 29, Douthit 23, Tiu 22, Lutz 10, Barracael 6, Barroca 3, Lassiter 2, Ramos 2, Aguilar 2, Slaughter 0, Ababou 0.
Rain or Shine 94 - Buenafe 16, Kramer 15, Adams 14, Arana 14, Belga 10, Ferriols 8, Jazul 6, Chan 6, Rodriguez 3, Tang 2, Cruz 0, Norwood 0.
Quarterscores: 24-21, 47-47, 74-64, 99-94.
- Latest
- Trending