Pharex iniligwak ang Black Water; Cebuana nanalasa uli

MANILA, Philippines - Gaya ng inaasahan, nagdomina ang mga ko­ponang bihasa na sa paglalaro sa mga commer­cial leagues upang makasalo sa liderato sa pagpapatuloy ng PBA D-League Foundation Cup kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Dinomina ng Pharex ang Black Water, 100-90, habang dinurog ng Cebuana Lhuillier ang Café France, 83-62.

Balanseng pag-atake na kinatampukan ng pagkakaroon ng limang manlalaro na umiskor ng mahigit na 10 puntos ang naipakita ng Bidang Generix para makasalo sa 1-0 karta na tangan ng NLEX Road Warriors at RnW Pacific Pipes sa Group A.

Si Marlon Adolfo ang nanguna sa tropa ni coach Gian Carlo Tan sa 25 pun­tos habang si Jayson Duetch­man ay nag-ambag ng double-double na 16 puntos at 10 rebounds. Sina Raymond Aguilar, Chester Taylor at Jeff Viernes na beterano ng Pharex ay nag­sanib sa 34 puntos.

Ang magandang depensa naman ay kinatampukan sa pamamagitan ng 20 errors ng Elites ni coach Leo Isaac.

“Wala pa talagang che­mistry ang team dahil halos dalawang linggo pa lamang sila nagsamasama. Pero maganda ang depensa namin kaya nanalo kami,” wika ni Tan.

Hindi naman nagpahuli ang Gems na pinatunayang angkop sa kanila ang taguri bilang team-to- beat sa dominanteng pag­lalaro sa Café France.

Si Alien Maliksi ay mayroong 16 puntos habang­ sina Marvin Hayes at Ja­mes Sena ay naghati sa 24 puntos para sa tropa ni coach Luigi Trillo na ginamit ang malakas na laro sa third period upang tuluyang ibaon ang katunggali.

Ang 21 puntos na kalamangan ay siyang pinakamalaking winning margin sa kaagahan ng bagong liga na nilalahukan ng 13 ko­ponan at inorganisa ng PBA.

Nakasalo ngayon ang Cebuana Lhuillier sa Cobra Energy Drink at FCA Cultivators sa liderato sa Group B.

Pharex 100--Adolfo 25, Deutchman 16, Aguilar 14, Viernes 10, Taylor 10, Banal 8, Mangahas 5, Asoro 4, Morial 4, Tecson 3, Montilla 1.

Black Water 90--Acidre 22, Ciriacruz 21, Celeda 12, Zulueta 12, Mazo 10, Belorio 8, Lapuz 2, J.Del Rosario 2, Del Rosario 1, Zaret 0.

Quarterscores: 20-20; 48-44; 74-67; 100-90.

Cebuana 83--Maliksi 16, Hayes 12, Sena 12, Alas 9, Eunon 8, Nabong 6, Mepana 5, Fernandez 5, Semira 5, Mandani 2, Lee 2, Llagas 12, Bagatsing 0, Canta 0.

Café France 62--Ponferada 13, Lobaton 13, Bulangis 12, Rublico 8, Banas 5, Gallardo 4, Magbitang 3, Mejos 3, Almario 1, Babad 0, Graebel 0, Garcia 0.

Quarterscores: 16-17; 33-29; 61-42; 83-62.

Show comments