MANILA, Philippines - Tatlo pang Fil-Foreign players ang hinugot upang mapalakas ang tsansa ng Pilipinas sa AFC Challenge Cup group elimination sa Myanmar.
Sina Fil-German John Patrick Hinrichsen at William Espinosa at Fil-Spanish Angel Aldeguer Guirado ang mga makakasama ng Azkals sa paglipad patungong Myanmar sa Sabado upang kumampanya sa puwesto sa tournament proper.
Bukod sa Myanmar, kalaban rin ng Azkals ang Palestine at Bangladesh sa torneong magbubukas sa Marsos 21 at ang mangungunang dalawang koponan ang aabante sa 2012 Challenge Cup.
Si Rob Gier na naglaro sa Panaad sa Bacolod nang nanalo ang Azkals sa Mongolia ay babalik din katulad ni goalie Neil Etheridge.
Sina Hinrichsen at Espinosa ay nasa Bacolod din pero hindi sila naglaro sa koponan.
Dahil sa pagpasok ng limang manlalaro ay napilitan naman ang Azkals na magbawas ng limang homegrown talents na sina Christopher John Relucio, Jaime Palmes, Joebel Bermejo, Peter Jaugan at Jerry Barbaso.