Katatagan itataya ng Nationals vs Elasto Painters
MANILA, Philippines - Hangad ng Nationals ang kanilang pang limang sunod na arangkada, samantalang mag-uunahan namang makabangon mula sa kani-kanilang mga kabiguan ang Elasto Painters, Llamados at Bolts.
Magtatagpo ang Smart-Gilas Pilipinas at ang Rain or Shine ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang salpukan ng Derby Ace at Meralco sa alas-7:30 ng gabi sa elimination round ng 2011 PB Commissioner’s Cup sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Bitbit ng Nationals ang matayog na 4-0 baraha kasunod ang Alaska (4-1), Talk ‘N Text Tropang Texters (4-1), Elasto Painters (3-1), Ginebra Gin Kings (3-2), Llamados (2-3), Powerade Tigers (2-4), Air21 Express (1-3), San Miguel Beermen (1-4) at Bolts (0-4).
Kabilang sa mga tinalo ng Smart-Gilas ni Serbian coach Rajko Toroman ay ang Talk N Text, 103-98, Alaska, 91-89, Air21, 102-99, at San Miguel, 109-68.
Sa naturang 41-point win sa Beermen, tumapos si 6-foot-11 American Marcus Douthit na may 18 points, samantalang may tig-17 markers sina Mark Barroca at Dylan Ababou, 16 si Marcio Lassiter at 14 si Chris Lutz.
Nagtala ang Nationals ng kabuuang 16-of-31 shooting sa three-point range.
Namantsahan naman ang dating malinis na kartada ng Rain or Shine nang matalo sa Talk ‘N Text, 78-99, noong Marso 13.
Muling aasahan ng Elasto Painters ni Yeng Guiao sina NBA veteran Hassan Adams, Gabe Norwood, Ronjay Buenafe, Jeff Chan, Beau Belga, Ryan Arana at Doug Kramer.
Sa ikalawang laro, pipilitin naman ng Derby Ace ni Jorge Gallent at Meralco ni Ryan Gregorio na makabawi mula sa kanilang 91-97 at 106-109 pagyukod sa Alaska at Talk ‘N Text, ayon sa pagkakasunod.
Sa nasabing kabiguan sa Tropang Texters, nagpasabog ang bagong import na si Nigerian-American Champ Oguchi ng game-high 43 points, tampok ang kanyang 8-of-17 clip sa three-point line.
- Latest
- Trending