RnW Pacific Pipes 'di basta-basta matitibag ng mga kalaban sa D-League
MANILA, Philippines - Hindi makukuntento ang RnW Pacific Pipes sa pagiging kauna-unahang koponan na nanalo sa PBA D-League Foundation Cup.
Sinandalan ang pagkabeterano nina Vic Manuel at Jim Viray, kinalos ng Pacific Pipes ang PC Gilmore, 76-72, sa unang laro ng liga na hawak ng Philippine Basketball Association.
Aminado si coach Christopher “Topex” Robinson na hindi niya inakala na magagawa ito ng kanyang koponan dahil sa tatlong tune-up games sa Cebuana Lhuillier, Max Bond Super Glue at Powerade bago ang pagbubukas ng liga ay natalo sila sa average ng 20 puntos.
“It was a good win, a good morale booster for the players. It’s a motivation for us to work harder since people now look up to Pacific Pipes as a contender,” wika ni Robinson nang nakaharap ang mga mamamahayag nang pormal na ipinakilala ang Pacific Pipes kamakalawa sa Gerry’s Grill sa SM Manila.
Kasama sa humarap ay ang team owner na si Jun Sy at Bimbo Gaviola na marketing manager ng Pacific Pipes na hindi rin naitago ang kasiyahan sa nangyari sa unang laro ng koponan.
Unang pagkakataon na nagtayo ng basketball team na inilaban sa ligang ganito ang antas ng koponan ni Sy kaya’t aminado din ito na hindi niya inakala na malaki ang gastusing kakailanganin ng koponan.
Pero hindi naman niya iniinda ang bagay na ito dahil ang mabigyan ng pagkakataong tumulong sa mga batang nais na gumawa ng pangalan sa isang liga ay sapat na para sa ipinuhunang gastos.
“Maganda ring avenue ang D-League para ipakilala ang aming produkto. Balak din naming masama sa PBA pero habang naghihintay ng pagkakataon ay magandang exposure naman sa amin ang ligang ito,” wika ni Sy.
“We will always treasure this victory because this is a first for our company and this is the first for D League as well,” segunda naman ni Gaviola.
Pinalakas pa ang koponan pagpasok sa ikalawang laro laban sa Black Water Elite sa Marso 24 dahil sa pagpasok ng 6’4 center Alain Musngi at guard Rexander Leynes para palalimin ang kanilang bench at mapagtagumpayan ang inaasinta munang puwesto sa knockout round.
“Challenge na ito sa mga players na kung gusto nilang makalaro sa PBA ay kailangang ipakita nila na hindi sila pipitsugin sa D-League. Kailangang katawanin namin ang magandang reputasyon ng kumpanya sa pamamagitan ng todo-bigay na paglalaro sa bawat game namin,” dagdag pa ni Robinson.
Anuman ang kahihinatnan ng kampanya sa liga, isa lamang tiyak, na gaya ng bakal na tubo na kanilang inilalahok ay hindi sla basta-basta matitibag ng mga makakalaban.
- Latest
- Trending