'Suntok Ginto' box ikinalat sa SM mall
MANILA, Philippines - Noong nakaraang taon ay inilunsad ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) ang ‘Suntok Ginto’, isang nationwide drive para makalikom ng pondo na gagamitin ng ABAP National Team sa kanilang layuning masuntok ang kauna-unahang gold medal ng bansa sa Olympic Games.
At matapos ang paglulunsad ay nakakuha na ang ABAP ng suporta sa pagpapalaganap ng kanilang ‘Suntok Ginto’ program sa TV, radio at print.
Ang mga ‘Suntok Ginto’ donation boxes ay ikinalat na sa mga SM branches nationwide. Ipinakita ng SM ang kanilang suporta sa ‘Suntok Ginto’ movement sa pagtanggap sa 1,200 donation boxes sa SM Malls, SM Department Stores at mga SM retail affiliates kagaya ng Watson, Ace Hardware, SM Surplus at Kultura.
Sa mga susunod na araw, ang mga ‘Suntok Ginto’ donation boxes ay makikita na sa mga Bills Payment counters sa Save More, SM Supermarket at SM Hypermart branches.
Ilalagay rin ang mga donation boxes sa PLDT Business Offices at Smart Retail Stores nationwide.
Ang 2011 ay isang mahalagang taon para sa ABAP dahil sa mga nakalinyang qualifying event patungo sa 2012 Olympic Games at AIBA World Championships.
Ang mga pondong makukuha sa mga ’Suntok Ginto’ donation boxes ay gagamitin ng ABAP para sa training, facilities at participation sa mga international competitions na susubok sa kakayahan ng mga national boxers.
Gagamitin rin ng ABAP ang kanilang grassroots programs para makahanap ng mga bagong world-class Filipino boxing athletes.
Ang suporta ng mga Pinoy ang siyang lalo pang magbibigay ng inspirasyon sa mga miyembro ng national men’s at women’s teams.
Para sa kanilang Olympic campaign, maghahanap at magsasanay ang ABAP ng mga top-notch amateur boxers na kanilang ilalahok sa mga bigating international competitions.
At ang malaking bahagi ng programa ay ang suporta ng mga Filipino.
Kaya hanapin ang mga ‘Suntok Ginto’ donation boxes ay maging katuwang ng ABAP sa hinahangad na kauna-unahang Olympic gold medal ng bansa.
- Latest
- Trending