Nietes pararangalan sa Gabriel 'Flash' Elorde Memorial Boxing Awards and Banquet of Champions
MANILA, Philippines - Pararangalan si Donnie Nietes, ang undefeated champion ng WBO minimumweight division sapul noong 2007, sa 11th Gabriel “Flash” Elorde Memorial Boxing Awards and Banquet of Champions sa Marso 25 sa Grand Ballroom ng Sofitel Hotel.
Napanatili ng 29-anyos na si Nietes ang kanyang korona mula sa isang unanimous decision win laban kay Mexican challenger Mario Rodriguez noong Agosto 14, 2010 sa Sinalosa, Mexico.
Isa si Nietes sa mga top boxers ng bansa noong 2010 na bibigyan ng parangal sa naturang annual awards na ginugunita para kay world junior lightweight champion at Hall of Famer Flash Elorde, nagkampeon noong 1960 hanggang 1967.
Ito ang pang apat na sunod na title defense ni Nietes, tinawag na “Ahas”, na kumuha sa WBO minimumweight belt via unanimous decision mula kay undefeated Pornsawarn Kratingdaengym ng Thailand noong Setyembre 20, 2007 sa Waterfront-Cebu Hotel.
Ang kanyang unang depensa ay isang TKO win kay Eddy Castro sa 2:49 ng second round noong Agosto 30, 2008.
Isang unanimous decision kay Erik Ramirez noong Pebrero ng 2009 ang isinunod ni Nietes at muling isinuot ang kanyang korona noong Setyembre 12 laban kay interim champion Manuel Vargas via split decision.
Makakasama ni Nietes sina boxing legend Manny Pacquiao, World Boxing Organization super bantamweight title holder Ana Julaton at dating superflyweight champion Nonito Donaire sa pagtanggap ng karangalan.
Si Pacquiao, iniluklok na sa Elorde Hall of Fame noong 2009 para sa kanyang pang pitong boxing titles, ay tatanggap ng isang special award para sa kanyang pang walong boxing belt noong 2010.
- Latest
- Trending