MANILA, Philippines - Makaaasang mas matindi ang ipakikitang laban ng Azkals sa AFC Challenge Cup group elimination na gagawin sa Myanmar mula Marso 21.
Bukod sa host at Pilipinas, kasama rin sa grupo ang Palestine at Bangladesh na kung saan ang Azkals ang siyang may pinakamababang seeding sa kompetisyon.
Ang mangungunang dalawang koponan matapos ang single round elimination ang siyang aabante sa tournament proper na katatampukan ng walong bansa.
Unang laro ng Pilipinas ay ang host Myanmar sa Marso 21 bago isunod ang Palestine sa Marso 23 at Bangladesh sa Marso 25.
Nakarating ang Azkals sa group elimination nang talunin ang Mongolia sa kanilang home-and-away qualifying round matches nitong Martes.
Unang nanalo ang Pilipinas sa Panaad Sports Complex noong Pebrero 21 sa 2-0 iskor pero nakabawi ang Mongolia sa National Stadium nitong Marso 15 sa pamamagitan ng 2-1 iskor.
Pero dahil nakaisa ang away team, ang Pilipinas ay nagkaroon ng kabuuang iskor na 3 laban sa 2 ng Mongolia upang umabante sa susunod na yugto.
Ang buong koponan ay hindi masaya sa kinalabasan ng laro sa second game kaya’t panay din ang hingi nila ng dispensa sa mga tumatangkilik.
“Sorry Pilipinas. Very disappointed with the loss today,” wika ni Aly Borromeo sa kanyang tweet matapos ang laro.
Pero handa umano nilang kalimutan ang lahat ng nangyari at ituon ang isipan sa laban sa Mongolia.
“This match is history… now time to look forward to the next game in Myanmar,” dagdag ni Borromeo.
Inaasahang mas magiging malakas ang ipadadalang koponan sa Myanmar dahil sa posibleng pagbalik ng goalie na si Neil Etheridge at ng Fil-Spanish na si Angel Aldeguer Guirrado
Isang 6’2” player si Guirrado pero may bilis ito kaya’t maaari niyang halinhinan si Phil Younghusband sakaling hindi ito makalaro sa Myanmar dala ng right hamstring injury.