Pinoy na si Douthit
MANILA, Philippines - Tapos na ang paghihintay para sa isang malaking sentro na mangunguna sa Smart Gilas Pilipinas.
Kahapon ay pormal nang naging naturalized Filipino si 6’10 Marcus Douthit nang maging batas na ang House Bill 2307 na ipinanukala ni Antipolo second District Congressman Robbie Puno.
Hindi napirmahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang nasabing batas na naihain sa kanyang tanggapan pero naging batas na dahil lampas na ito ng isang buwan na grace period matapos ihatid sa Malacañang noong Pebrero 9.
Sa pangyayari, si Douthit ay maaari nang maglaro bilang kasapi ng Smart Gilas sa mga malalaking kompetisyon na sakop ng international body FIBA at Fiba-Asia.
“Malacañang will forward the enrolled copy to their records within the week where it will be assigned its Republic Act number,” wika ni Puno.
Inaasahang patitibayin ni Douthit ang laban ng Pilipinas sa FIBA Asia Men’s Championships sa Setyembre sa Wuhan China.
Ang kompetisyon ay isang qualifying tournament sa 2012 London Games at ang tatanghaling kampeon dito ang siyang kakatawan sa Asian region sa pinakaprestihiyosong torneo sa mundo.
Si Douthit na kinuha ng koponan noong pang nakaraang taon ay kabilang sa koponan na naglalaro sa PBA at ang kanyang presensya ay nararamdaman dahil wala pang talo ang Gilas sa apat nilang asignatura.
Sa edad 30 ni Douthit, inaasahang matutulungan niya ang koponan sa susunod pang apat hanggang limang taon para magkaroon din ng pagkakataon ang Pilipinas na manalo sa Asian Games na lalaruin naman sa 2014.
- Latest
- Trending