Patrombon masusukatan sa Mitsubishi netfest

MANILA, Philippines - Kikilatisin ang husay ni Jeson Patrombon sa pag­lahok niya sa 22nd Mitsubishi Lancer International Junior Tennis Championships sa Rizal Memorial Tennis Court mula Marso 22 hanggang 27.

Makasaysayan ang paglahok ng 17-anyos tu­bong Iligan City sa nasa­bing kompetisyon dahil na­mumuro siya para ma­ging kauna-unahang Filipino netter na magkakampeon sa Grade I event ng ITF na itataguyod ng Philippine Tennis Association.

“Historically, sa mga ba­bae tayo nananalo sa kompetisyong ito. Pero nga­yon ay magkakaroon ng pagkakataon ang boys na manalo sa pamamagitan ni Jeson na top seed sa kompetisyon,” wika ni Philta president at Parañaque Congressman Edwin Olivarez nang naging panauhin sa PSA Forum sa Shakey’s UN Avenue kahapon.

Nakasama niya sina Philta sec-gen Romeo Ma­gat, Mitsubishi AVP for marketing Froiland Dytianquin at advertising and promo manager Arlan Antonio Reyes Jr. sa pagpupulong na kung saan nagpahayag ng mga ito ng pananabik dahil sa inaasahang ma­gandang labanan ng mga nangungunang junior net­ters ng mundo.

Si Patrombon na kasalukuyan ay 10th ranked sa mundo ay kagagaling lamang sa second place na pagtatapos sa Chang LTAT-ITF Tennis Championship sa Nonthaburi, Thailand nang matalo kay sixth seed Sean Berman sa Finals, 6-0, 6-2.

Siya ay kasalukuyang nasa Kuching Malaysia para sa 17th Sarawak Chief of Ministers Cup.

Show comments