Patrombon masusukatan sa Mitsubishi netfest
MANILA, Philippines - Kikilatisin ang husay ni Jeson Patrombon sa paglahok niya sa 22nd Mitsubishi Lancer International Junior Tennis Championships sa Rizal Memorial Tennis Court mula Marso 22 hanggang 27.
Makasaysayan ang paglahok ng 17-anyos tubong Iligan City sa nasabing kompetisyon dahil namumuro siya para maging kauna-unahang Filipino netter na magkakampeon sa Grade I event ng ITF na itataguyod ng Philippine Tennis Association.
“Historically, sa mga babae tayo nananalo sa kompetisyong ito. Pero ngayon ay magkakaroon ng pagkakataon ang boys na manalo sa pamamagitan ni Jeson na top seed sa kompetisyon,” wika ni Philta president at Parañaque Congressman Edwin Olivarez nang naging panauhin sa PSA Forum sa Shakey’s UN Avenue kahapon.
Nakasama niya sina Philta sec-gen Romeo Magat, Mitsubishi AVP for marketing Froiland Dytianquin at advertising and promo manager Arlan Antonio Reyes Jr. sa pagpupulong na kung saan nagpahayag ng mga ito ng pananabik dahil sa inaasahang magandang labanan ng mga nangungunang junior netters ng mundo.
Si Patrombon na kasalukuyan ay 10th ranked sa mundo ay kagagaling lamang sa second place na pagtatapos sa Chang LTAT-ITF Tennis Championship sa Nonthaburi, Thailand nang matalo kay sixth seed Sean Berman sa Finals, 6-0, 6-2.
Siya ay kasalukuyang nasa Kuching Malaysia para sa 17th Sarawak Chief of Ministers Cup.
- Latest
- Trending