Azkals sasagupa sa Myanmar
MANILA, Philippines - Bagamat nakalasap ng 1-2 kabiguan sa kanilang second leg, naitakas pa rin ng Philippine men's football team na Azkals ang 3-2 aggregate goal laban sa Blue Wolve ng Mongolia upang makapasok sa group stage ng Asian Football Confederation (AFC) Challenge Cup kahapon sa Mongolian Football Federation (MFF) Football Centre sa malamig na Ulan Bator, Mongolia.
Nauna nang tinalo ng Azkals ang Blue Wolves, 2-0, sa first leg sa noong Pebrero 9 sa Panaad Stadium sa Bacolod City kung saan nagsuot ng puting damit ang kanilang mga Filipino fans.
Ang nasabing dalawang goals ng Azkals ay nanggaling kina striker Phil Younghusband at midfielder Emil "Chieffy" Caligdong.
Sa kanila namang ikalawang pagtatagpo ng Blue Wolves, isinalpak ni James Younghusband ang isang goal sa three-minute mark ng first half bago nakatabla ang Mongolia mula sa tirada ni team skipper Lumbengarav Donorov sa 21st minute nito.
Ganap na naagaw ng Blue Wolves ang unahan sa 2-1 galing sa goal ni Garidmagnai Bayasgalan matapos mabigo si goalkeeper Ed Sacapaño na masunggaban ang penalty kick ng una sa 34th minute patungo sa second half.
Sa second half, ilang pagtatangka nina James at Phil Younghusband para sa Azkals ang binulilyaso ng Blue Wolves.
Sa hangaring maprotektahan ang kanilang 3-2 aggregate win, solidong depensa ang ginawa ng koponan ni German coach Hans Michael Weiss, hindi nakuha ang serbisyo ni goalkeeper Neil Etheridge na kasalukuyang naglalaro sa London.
"Thank you for all your support guys," sabi ni Phil Younghusband sa kanyang Twitter account matapos ang naturang laro.
Sa group stage ng AFC Challenge Cup makakatapat ng Azkals ang Myanmar sa Marso 21 kasunod ang Palestine sa Marso 23 at Bangladesh sa Marso 25. Ang mga ito ay lalaruin sa Myanmar.
Bago harapin ang Blue Wolves sa ikalawang pagkakataon, nagsanay ang Azkals sa isang training camp sa Gotemba City, Japan para maging pamilyar sa malamig na klima sa Ulan Bator, Mongolia na -16 degrees Celcius.
At nang tamaan ng malakas na lindol ang Sendai City, Japan, marami ang nag-alala sa kalagayan ng koponan. Mula sa kanilang training camp sa Gotemba City, bumiyahe ang Azkals pagtunog ng Mishima Station sa Shizuoka Prefecture. At mula rito, isang one-hour bullet train ride papuntang Tokyo ang ginawa ng grupo.
Nalagay rin ang Azkals sa 2010 Top Ten Soccer Stories ng Sports Illustrated matapos gulatin ang nagdedepensang Vietnam, 2-0, sa nakaraang 2010 Suzuki Cup sa kabila ng pagiging No. 151 ng tropa ni dating Briton mentor Simon McMenemy.
- Latest
- Trending