Alam naman ng lahat na may namumuong rivalry sa pagitan ng San Miguel Corporation at ng mga kumpanyang hawak ni Manny V. Pangilinan at ito’y kitang-kita hindi lang sa daigdig ng negosyo kundi pati sa Philippine Basketball Association (PBA).
Aba’y tigatlong teams na sila sa pro league. Ang SMC ay mayroong San Miguel Beer, Barangay Ginebra at B-Meg Derby Ace. Sa kabilang dako, si Pangilinan ay may Talk N Text, Meralco at Smart Gilas na kahit hindi regular member ay naglalaro sa Commissioner’s Cup at puwedeng magkampeon.
Ito ang ibinigay na concession sa Smart Gilas na pumuno sa puwestong binakante ng nag-disband na Barako Bull.
Ang set-up ay pareho ng nangyari noong 1985 nang payagan ng PBA na lumahok ang national team na iniisponsoran ng Northern Consolidated sa Reinforced Conference. Puwede ding magkampeon ang Northern Consolidated noon. At nagwagi nga ito.
Nakalaban ng Northern Consolidated sa best-of-seven finals ang Manila Beer na kung titingnang maigi ay kalaban din sa negosyo. Kasi nga, ang Northern Consolidated ay pag-aari ni Ambassador Danding Cojuangco na may hawak sa San Miguel Beer.
In effect, duwelo ng dalawang Beer companies iyon. Kaya naman sa Finals ay itinodo ng Northern Consolidated ang buong puwersa nito at binokya ang Manila Beer, 4-0.
Naalala ko ang kabanatang ito matapos na mapanood ang laban ng Smart Gilas at San Miguel Beer noong Sabado sa The Arena sa San Juan. Ganoong-ganoon din ang rivalry. Sa pagkakataong ito’y dinurog ng Smart Gilas ang San Miguel Beer, 109-68 para sa ikaapat na sunod na tagumpay at solo liderato sa torneo.
Dito ipinakita ng Smart Gilas ang tunay nilang lakas. Kasi, bago ang larong ito’y dikitan naman ang unang tatlong games ng Nationals.
Sinimulan nila ng kanilang kampanya sa pamamagitan ng 103-98 panalo kontra Philippine Cup champion Talk N Text. Isinunod nila ang Fiesta Cup champion Alaska Milk, 91-89 sa overtime. Ang ikatlong panalo’y kontra Air21 Express,102-99. So, kapag tinuos, sa tatlong panalo, ang winning average ng nationals ay 3.33 puntos lang.
Pero 41 puntos ang winning margin nito kontra Beermen na hindi naman mahinang koponan. Hindi nga ba’t sumegunda ang Beermen sa dalawang huling torneo?
Isang matinding statement ito buhat sa Smart Gilas na ngayon ay tiyak na pinangingilagan na ng iba pa’ng taems na makakarap sa elimination. Ang sinasabing magic number ay limang panalo para makarating sa quarterfinals. Pero tila ngayo’y ang misyon ng Smart Gilas ay dumiretso na kaagad sa semifinals. At mukhang madaling misyon iyon.
Well, hindi magiging kataka-taka kung magtutuluy-tuloy sa championship round ang Smart Gilas at maibubulsa nito ang titulo.
At magandang senyales iyan para sa ating national team. Ibig sabihin ay handa na nga ang Smart Gilas para sa malalaking laban sa abroad. At malaki ang posibilidad na makabalik nga tayo sa London Olympics sa isang tao. Iyon ang ultimate goal.
Pero sa ngayon, isang malaking giyera ang napanalunan nila sa PBA.