MANILA, Philippines - Apat na koponan ang mag-uunahan uli sa kani-lang unang panalo sa pagbabalik-aksyon ng 2011 PBA D-League Foundation Cup ngayon sa FEU gym.
Kasama sa magtatangka ay ang malakas na koponan ng NLEX Road Warriors na masusukat sa Freego Jeans sa tampok na laro na magsisimula matapos ang tagisan ng Junior Powerade at FCA Cultivators ganap na alas-2 ng hapon.
Ang mananalo sa double-header game na ito na mapapanood sa IBC 13 mula ika-6 hanggang ika-10 ng gabi, ay makakasalo sa RnW Pacific Pipes at Cobra Energy Drink na naunang hiniya ang mga nakalabang PC Gilmore (76-72) at Maynilad Water Dragons (78-70), ayon sa pagkakasunod, noong Sabado sa The Arena sa San Juan.
Patok ang tropa ni coach Boyet Fernandez na Road Warriors dahil sa pagkakakuha sa mga mahuhusay na collegiate players bukod pa sa mga matitikas na Fil-Americans at PBA players.
Sina Calvin Abueva, Ronald Pascual, Ian Sangalang ng San Sebastian ay makakasama si Ateneo guard Eric Salamat na makikipagtulungan kina PBA players Rogemar Menor at Clifford Arao at Fil-Ams sa pangunguna nina 6’6 Christopher Ellis, 6’5’ Clifford Marion Hodge at Chris Reyes para magkaroon ng makinang na kampanya ang Road Warriors.
“Kumpleto sa talent sa bawat puwesto ang team. Pero masusubok pa ito dahil hindi pa natin nakikita kung na-develop na ang team chemistry,” wika nga ni Baustista.
Si coach Leo Austria naman ang magmamando sa Freego Jeans at nasa koponan niya ang manlalaro ng Adamson na sa nagdaang UAAP season ay nakapasok sa Final Four.
“Bago itong liga kaya para sa akin ay lahat may tsansang manalo,” wika nga ni Austria na sasandal kina Jan Colina, Alex Nuyles, Jarus Lozada, Michael Galinato at Lester Alvarez para masorpresa ang katunggali.