MANILA, Philippines - Lumapit sa isang panalo si Tamitha Nguyen ng Pilipinas sa isang panalo para makapasok sa main draw sa girls singles ng 17th Sarawak Chief of Minister’s Cup sa Kuching, Malaysia.
Kinakitaan ng katatagan ang 16-anyos na si Nguyen matapos bumangon sa first set na kabiguan upang makumpleto ang 3-6, 7-6(7), 6-2, panalo laban kay Klaartje Liebens ng Belguim sa second round ng qualifying round ng Grade I ITF event.
Seeded ninth si Nguyen na kailangan na higitan pa ang ipinakitang laban dahil ang kabangga niya para sa puwesto sa main draw ay ang top seed na si Brooke Rischbieth ng Australia na nag-bye sa unang dalawang round.
Hindi naman pinalad ang isa pang pambato ng Pilipinas na si Marinel Rudas matapos siyang sibakin ni Kimberley Zimmermann ng Belguim sa 6-0,6-3, straight sets iskor.
Tampok naman na manlalaro ng bansa sa kompetisyon ay si Jeson Patrombon na siya pa ring lalabas na top seed sa boys singles.
Hahangarin ni Patrombon na makabawi matapos mabigo sa hangaring titulo sa Chang LTAT-ITF Tennis Championship nang matalo siya sa Finals laban kay Sean Berman ng US.