LAS VEGAS - Pinabagsak ni Puerto Rican Miguel Cotto si Nicaraguan challenger Ricardo Mayorga sa 12th at final round para mapanatiling suot ang kanyang WBA super welterweight title kahapon dito sa MGM Grand.
Isang maiksing left hook ang pinadapo ni Cotto (36-2, 29 KOs) sa panga ni Mayorga na tuluyan nang nagpatumba sa Nicaraguan.
Matapos makatayo si Mayorga, muli siyang sinugod ni Cotto at napunta sa corner kung saan siya sumuko para ipatigil kay referee Robert Byrd ang laban.
“It was a really good fight with an amazing finish,” sabi ni Cotto. “He is a very strong fighter. He hit me with some really good shots.”
Idinahilan naman ni Mayorga ang pagkakabali ng kanyang kaliwang hinlalaki sa kasagsagan ng kanilang bugbugan ni Cotto.
“I felt my thumb touch the back of my hand. I tried to finish the final round but the pain was too much. I don’t care about my thumb. I didn’t want it to end like that. I tried to close my fist, but I couldn’t,” sabi ni Mayorga.
Alam ni Mayorga (29-8-1, 23 KOs), isang dating welterweight champion, na ang tanging tsansa lamang niyang manalo laban kay Cotto ay kung makikipagsabayan ang Puerto Rican sa kanya.
Ngunti mas pinili ni Cotto na magpakawala ng mga left jab at left hooks at sa ninth round, halos hindi na maibukas ni Mayorga ang kanyang kanang mata.
Nagpakita naman ng magandang laban si Mayorga sa seventh round kung saan niya natamaan si Cotto mula sa kanyang mga suntok.