Brown hinahamon uli ni Julaton para sa rematch
MANILA, Philippines - Kung nailagay ni Ana Julaton ang sarili sa magandang kondisyon ay hindi siya natalo kay Liza “Bad News” Brown nang nagkatuos noong Marso 27, 2010.
Si Brown ang nagpalasap ng ikalawang kabiguan ni Julaton sa 11 laban pero masakit ito dahil duguan ang Fil-Am para katampukan ang dominasyon ng boksingerang idinedepensa ang hawak na WBA super bantamweight title.
Nakabangon na si Julaton sa kabiguang ito nang manalo sa dalawang sumunod na laban, tampok ang 10th rounds unanimous decision kontra kay Franchesca Alcanter para sa WBO super bantamweight title.
“I was in my best condition in my fight against Alcanter,” wika ni Julaton nang nakapanayam sa isinagawang victory party sa Hardrock Café sa Makati na handog ng TV5.
“Alcanter punches harder than Brown. Lisa is somewhat an awkward puncher,” dagdag pa nito.
Dahil sa paniniwalang kakayanin niya si Brown kung kaya’t nasa talaan ni Julaton ang US champion para sa posibleng rematch sa susunod niyang laban.
Pero bago mangyari ito ay magdedepensa muna ang 30-anyos na kampeon sa hawak nitong WBO title sa labang posibleng gawin sa Abril o Mayo.
May negosasyong isinasagawa na para sa sunod niyang pagsampa ng ring pero tikom pa ang kanyang bibig.
Isa sa kilalang lady boxer na umano ay gusto siyang hamunin ang binanggit ni Julaton bilang posibleng katunggali sa labang nais niya na gawin sa Pilipinas.
Si Julaton kasama ang kanyang manager na si Angelo Reyes at ina ay tumulak na pabalik ng US kahapon pero hindi niya isinasantabi ang posibilidad na bumalik uli ng Pilipinas kung dito nga isasagawa ang kanyang title defense.
- Latest
- Trending