Buwenamano sa RnW Pacific Pipes
MANILA, Philippines - Nagpakitang gilas agad ang mga beterano ng RnW Pacific Pipes upang maging unang koponan na manalo sa PBA Developmental League (D-League) sa pamamagitan ng 76-72 panalo laban sa PC Gilmore kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Ang dating scorer ng San Sebastian na isa namang free agent sa PBA na si Jim Viray ay mayroong 18 puntos habang 15 naman ang ibinigay ng dating PBL MVP Vic Manuel para pangunahan ang koponan na umarangkada sa pagsisimula ng ikalawang yugto tungo sa 1-0 karta sa Group A.
Inako naman ni Raymund Ilagan ang unang tatlong puntos ng liga nang makumpleto nito ang 3-point play sa foul ni Jam Cortez.
Mabagal ang simula ng koponan at napag-iwanan nga sa first period, 15-18.
Pero nag-pick up ang opensa sa second period at ang tres ni Viray ay nagtabla sa magkabilang koponan sa 34-all.
Si Manuel naman ang namahala sa ikatlong yugto nang ibagsak ang kanyang pitong puntos matapos ang huling tabla sa 42-all para sa 56-48 kalamangan.
Lumobo ang bentahe sa 16, 64-48, pero hindi agad bumigay ang Wizards.
Sa ikalawang laro, nagpasabog naman ng 26 puntos si Paul Lee habang may 16 puntos pa si Ken Acibar para pangunahan ang Cobra Energy Drink sa panggugulat sa isa sa pinapaborang koponan na Maynilad, 78-70, sa isa pang laro.
- Latest
- Trending