MANILA, Philippines - Dalawang laro pa at makukuha na ni Jeson Patrombon ang unang malaking panalo sa taong 2011.
Nasukat man uli laban sa 10th seed na si Teodor Nicolai Marin ng Romania, nagawa pa rin ng number 10 rank sa mundo na si Patrombon na mailusot ang 2-6, 6-4, 6-1, panalo sa quarterfinals ng Chang LTAT-ITF Junior Championships sa Nonthaburi, Thailand.
Kinailangan bumangon din ni Patrombon buhat sa 1-3 pagkakalubog sa second set para manalo at patunayan ang pagiging top seed nito sa Grade I event na ito ng ITF.
Bunga nito, umabante ang 17-anyos netter mula Iligan City sa semifinals at makakalaro ang seventh seed na si Pedja Krstin ng Serbia na pinagpahinga na si Enzo Couacaud ng France, 6-4, 6-2.
Ang mananalo rito ay makakaharap sa finals ang papalarin sa pagitan nina sixth seed Sean Berman ng US at eight seed Stefan Lindmark ng Sweden.