Seasports festival aarangkada na
MANILA, Philippines - Magsisimula ngayong araw sa ganap na alas-8 ng umaga, ang Manila Bay Summer Seasports Festival na gaganapin sa bandang Baywalk ng Roxas Boulevard.
Tampok sa nasabing event ang stock at formulas races ng bancathon kung saan lalahok ang batikang mga bangkero mula iba’t ibang bahagi ng bansa. Sa linggo, ika-13 ng Marso, gaganapin naman ang dragon boat racing na lalahukan ng mga lokal na Olympic rowers, Asian Games medalists, mga kasapi ng Philippine team training pool, at iba’t ibang koponan.
Ang dalawang araw na sportsfest ay magtatapos sa isang maningning na awards night at libreng live concert na pangungunahan nina Andrew E, Blakdyak, and Go Girls at dating Viva Hot Babe na si Jaycee Parker.
Ang naturang sports festival ay inorganisa ng Manila Broadcasting Company at Lungsod ng Maynila, sa pakikipagtulungan ng Philippine Coast Guard, at suportado ng Smart Communications, Caltex, Gold Eagle Beer, Alaxan, Zesto, Filinvest, M. Lhuillier, Choco Quick, Wings Detergent, Briggs and Stratton, at Cord Marine Epoxy.
- Latest
- Trending