MANILA, Philippines - Nasa ligtas na kalagayan ang mga Azkals matapos ang magnitude 8.9 earthquake na tumama sa northeastern coast ng Japan kahapon.
“Just to let everyone know we’re all safe in Japan. We’re quite far from the coastline so no need to worry,” sabi ni Azkals team captain Aly Borromeo sa kanyang Twitter account matapos ang naturang lindol.
Nasa Gotemba ang Azkals, halos 200 kilometro mula sa Tokyo, bilang bahagi ng kanilang pagsasanay para sa kanilang laban ng Blue Wolves ng Mongolia Ulan Bator sa Marso 15.
“The Azkals are safe. Felt the tremors but otherwise okay,” wika ni Azkals team manager Dan Palami na bumalik sa bansa buhat sa Japan kamakalawa.
Nakatakda sanang magsanay ang Azkals sa Fukushima ngunit dumiretso sila sa Gotemba matapos magbago ng plano.
Anim na tao ang namatay sa Fukushima at ilan naman ang nasugatan dahil sa naturang lindol.
“No phone connection. We are all fine. But we don’t know how we are going to fly because the airports are all closed,” ani Azkals goalie Chris Camcam sa Twitter.
“Just want to let you know that the team is alright here in Japan. Please send your prayers to the rest of the country,” wika naman ni defender Anton del Rosario.