Idaan sa due process, giit ni GTK sa problema sa PKF
MANILA, Philippines - Tamang proseso ang isinisigaw ngayon ni Go Teng Kok patungkol sa problemang kinakaharap sa Philippine Karatedo Federation (PKF).
Si Go na pangulo rin ng athletics sa bansa ay nakikipagtagisan ngayon sa pampanguluhan ng PKF ni POC spokesman at dating kaalyado na si Joey Romasanta.
Si Romansanta nga ay iniupo na ibang grupo ng PKF bilang pangulo ng asosasyon at sinasabing binasbasan na ng Philippine Olympic Committee (POC).
Galit si Go sa ginawa sa kanya dahil naniniwala siyang siya pa rin ang lehitimong pangulo ng PKF dahil bukod sa suporta umano ng nakararaming opisyales at karatekas ay wala rin siyang ginagawang kamalian sa asosasyon.
“Wala akong ginawang pagkakamali bilang PKF president at alam ni Romasanta yan,”wika ni Go nang dumalo sa SCOOP sa Kamayan kahapon kasama ang ilang opisyales at mga pambatong karatekas na pinabulaanan din na nadisband na umano ang national team gaya ng sinasabi ng kabilang kampo.
“Patuloy ang pagsasanay namin at wala kaming nalalaman na na-disband na ang team. Lahat po ay nalaman lamang namin sa media. Patuloy pa rin ang pagtanggap namin ng allowances sa PSC kaya paano na-disband ang team,” wika ni Marna Pabillore na isang multi-titled karatekas sa SEA Games at Asian Games.
Para matapos na ang problemang ito ay nagpatawag ng General Assembly ito ngayong hapon upang magluklok ng bagong opisyales. Inimbitahan niya ang grupo ni Romasanta na dumalo sa pagtitipon at kung ano ang resulta na maganap sa halalan ay dapat umano na respetuhin nila.
“Inimbitahan namin ang 22 members kasama ang grupo na nag-elect kay Romasanta, kung sino ang mananalo sa amin tatanggapin ko ng maluwag” wika pa ni Go.
Inaasahang hindi naman dadalo si Romasanta sa pagpupulong dahil nasabi na niya minsan na wala na sa poder si Go para magpatawag ng General Assembly.
- Latest
- Trending