MANILA, Philippines - Bagamat nagparada ng bagong import, hindi pa rin napigilan ang pagkakalasap ng Bolts ng kanilang pang apat na sunod na kamalasan.
Bumangon ang Talk ‘N Text mula sa isang 14-point deficit sa first half at nalagpasan ang tinipang game-high 43 points ni Nigerian-American Champ Oguchi upang talunin ang bumubulusok na Meralco, 109-106, at angkinin ang ikalawang puwesto sa elimination round ng 2011 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Araneta Coliseum.
Umiskor si import Paul Harris ng 32 points at 6 rebounds para pangunahan ang Tropang Texters sa paglilista ng kanilang ikatlong sunod na ratsada, habang nalasap ng Bolts ang kanilang ikaapat na dikit na kamalasan.
Mula sa isang 14-disadvantage sa first half, rumesbak ang Talk ‘N Text upang agawin ang 53-49 lamang sa halftime patungo sa 69-55 pag-iwan sa Meralco mula sa isang three-point shot ni Jimmy Alapag sa 7:46 ng third period.
Ang layup ni Kelly Williams ang nagbigay sa Tropang Texters ng isang 21-point lead, 82-61, sa 3:54 ng third period hanggang makalapit ang Bolts sa 94-101 sa gitna ng fourth quarter buhat sa basket ni Gabby Espinas.
Matapos ang basket ni Harris para sa 106-96 bentahe ng Talk ‘N Text sa 1:38 ng laro, dalawang magkasunod na tres ang isinalpak ni Oguchi na nagdikit sa Meralco sa 102-106 sa 51.6 segundo kasunod ang fastbreak layup ni Mac Cardona sa natitirang 27.6 segundo mula sa kanyang agaw sa pasa ni Alapag para sa kanilang 104-106 agwat.
Ang split ni Harris, naging kakampi ni Oguchi sa National Basketball Developmental League (NBDL), mula sa foul ni Sol Mercado sa 23.3 segundo ang naglagay sa Tropang Texters sa 107-106 bago ang mintis na tres ni Oguchi sa huling posesyon ng Bolts sa nalalabing 4.1 segundo.
Tuluyan nang sinelyuhan ni Larry Fonacier ang tagumpay ng Talk ‘N Text mula sa kanyang dalawang freethrows.
“I know how he plays, he’s a good shooter,” ani Harris kay Oguchi, pumalit kay slam dunk champion Tony Danridge. “I wasn’t able to play a good D (defense) but luckily Kelly (Williams) and Harvey (Carey) came in.”