Win no. 3 asam ng Texters laban sa Meralco Bolts
MANILA, Philippines - Hangad ng Tropang Texters ang kanilang pangatlong sunod na panalo, habang pilit namang babangon ang Gin Kings, Tigers at Bolts mula sa kani-kanilang losing slump.
Makakatapat ng Talk ‘N Text ang Meralco ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang salpukan ng Barangay Ginebra at Powerade sa alas-7:30 ng gabi sa 2011 PBA Commissioner’s Cup sa Araneta Coliseum.
Kasalukuyang nasa isang two-game winning run ang Tropang Texters, ang nagkampeon sa nakaraang PBA Philippine Cup, matapos ang kabiguan sa Smart-Gilas Pilipinas.
Magkasalo sa pangunguna ang Rain or Shine at Smart-Gilas sa likod ng kanilang magkatulad na 3-0 kartada kasunod ang Alaska (3-1), Talk ‘N Text (2-1), Ginebra (1-2), San Miguel (1-2), Derby Ace (2-3), Air21 (1-3), Powerade (1-3) at Meralco (0-3).
Nanggaling ang Tropang Texters sa isang 124-110 paggupo sa Express noong Sabado sa Davao City na tinampukan ng 24 points ni Jimmy Alapag, kasama rito ang anim na three-point shots.
Pinangunahan ni import Paul Harris ang PLDT franchise sa kanyang game-high 28 points, habang may 16 si Ryan Reyes, 14 si Ranidel De Ocampo at 10 si Larry Fonacier.
Para naman buhayin ang kanilang tsansa, hinugot ng Bolts si American-Nigerian Chamberlain Nnemeka Oguchi bilang kapalit ni slam dunk champion Anthony Dandridge.
Ang 24-anyos na si Oguchi, naglaro sa University of Oregon sa loob ng tatlong taon bago lumipat sa Illinois State University noong 2007, ay naging miyembro ng Nigerian national team.
Si Oguchi ay kumampanya sa STB Le Havre sa French League noong 2009-2010 hanggang naglaro sa NBA Developmental League (NBDL) para sa Maine Red Claws.
Makakatuwang ni Oguchi sa Meralco sina Asi Taulava, Sol Mercado at Mac Cardona.
“The decision to change our import is brought about by immediate need. We need an import who can shoot from the three-point range and spread the floor for Mac’s (Cardona) and Sol’s (Mercado) penetrating space. We are determined to win,” ani coach Ryan Gregorio.
Natalo ang Bolts ni Gregorio sa Gin Kings, 98-115, sa Elasto Painters, 92-101, at Beermen, 89-90.
Sa ikalawang laro, matapos talunin ang Meralco noong Pebrero 18, dalawang sunod na kamalasan ang naranasan ng Ginebra sa mga kamay ng Alaska, 94-95, at Derby Ace, 89-96.
Muling ibabandera ng Gin Kings ni Jong Uichico si import Nate Brumfield katapat si Russell Carter ng Tigers ni Bo Perasol.
- Latest
- Trending