Panibagong unos sa Sports
Kakaiba talaga ang mundo ng sports dito sa Pilipinas.
Wala na talagang tigil ang gulo sa mga National Sports Associations (NSAs). Hindi pa natatapos ang isa ay eto na naman at sumaklob sa Philippine Olympic Commitee (POC) ang away sa Philippine Karatedo Federation (PKF).
Pero sa pagkakataong ito, naalala natin ang isang quote ni Phaedrus sa diyalago ni Plato na “An alliance with a powerful person is never safe.”
At ganito ang nangyayari kina Go Teng Kok, POC spokesman Joey Romasanta at POC Peping Cojuangco.
Masama ang loob ni GTK dahil siya ngayon ang namumuno sa PKF, bukod pa sa paghawak niya sa Philippine Amateur Track and Field association.
Gustong buwagin ni Romasanta ang PKF at magbuo ng panibagong asosasyon. Idi-disband ang national pool at ang mga karateka at suspendido rin ang training at allowances ng mga ito. Si Romasanta ay deputy president ng PKF.
Natural na ayaw ito ni Go. Bukod sa isang malinaw na pang-aagaw sa kapangyarihan ng isang nakaupong pangulo ang binabalak ni Romasanta, kawawa rin ang mga atleta na matetengga ang pagsasanay sa nakalinyang mga international meets.
Isang loyalist ni Cojuangco si Go. Hindi ba’t si Cojuangco pa nga ang nagtalaga kay Go bilang pangulo ng PKF bilang kapalit naman ng suporta ni Go sa pagtakbo ni Cojuangco sa pagkapangulo noong eleksyon ng POC noong 2008.
Pero ngayon ay tila nagdedelikado na si Go.
Ang balita kasi ay hindi na kailangan ni Cojuangco ang suporta ni Go Teng Kok, dahil may sapat na bilang ang POC president para matiyak ang panalo sa 2012 election.
Ano kaya ang masasabi rito ni Go na kilala natin noon pa na outspoken at talaga namang ipinaglalaban ang kanyang prinsipyo kahit ano pa ang mangyari.
* * *
Ito po ay pakiusap ng ating kaibigan at kasama sa propesyon na si Eddie Alinea.
Noong Setyembre 2007 ang anak ni Eddie Alinea na si Wendell Rupert Alinea, ay na-diagnose na may Acute Promyelocytic Leukemia, isang very rare na sakit. Kinailangan ni Wendell na sumailalim sa tatlong cycles ng chemotherapy.
Natapos ni Wendell ang kanyang dalawang taong maintenance therapy noong Disyembre 2010, nakahinga na sana ng maluwag si Eddie at ang kanyang asawa na si Annie. Umaasa sila na makakapagsimula ng panibagong buhay at pag-asa ang kanyang anak ngayong 2011.
Pero nagkaroon ng ubo, sipon at lagnat ang kanyang anak. Inakala nilang simpleng viral infections lamang iyon dahil nang nagpasuri muli si Wendell ay negatibo ito sa sa promyelocytic leukemia. Kaya’t napilitan ang mga doktor na magsagawa na naman ng bone marrow biopsy para makatiyak. Lumabas sa resulta na nagkaroon muli ng relapse si Wendell.
Inabisuhan si Wendell na sumailalim muli sa isa na namang cycle ng chemotherapy o kaya ay gumamit ng Arsenic Trioxide, ito ang standard care sa relapsed APL, pero bukod sa mahal ito ay wala nito sa Pilipinas o sa karatig bansa. Kinakailangan ng prescription mula sa licensed doctor sa US o UK para makakuha nito. Kailangan niya ng 30 vials sa loob ng isang buwan
Kilala ko si Wendell, mabait at talented ito. Alam ko rin na tulad ng kanyang ama na si Eddie, fighter si Wendell. Kailangan ni Eddie at ni Wendell ang ating tulong, pinansyal at panalangin. Ngayon pa lamang ay nagpapasalamat na ako at si Eddie sa mga tutulong.
- Latest
- Trending