Patrombon mainit agad ang paanimula sa Thailand netfest
MANILA, Philippines - Malakas na panimula ang ipinakita ni Jeson Patrombon sa paglahok sa Chang LTAT-ITF Junior Championship sa Nonthaburi, Thailand kahapon.
Ipinakita ni Patrombon, ranked 10 sa mundo, kung bakit siya ang top seed sa boys singles nang hiyain ang 85th ranked na si Morgan Johansson ng Sweden, 6-3, 6-0, sa second round ng kompetisyon.
Bye sa first round, hindi naman nakaapekto ang karagdagang pahinga sa 17-anyos tubong Iligan City netter dahil buhos ang kanyang isipan sa labanan para makaabante sa round of 16 kontra kay Paul Monteban ng Netherlands na sinorpresa ang 15th seed na si Xin Gao ng China, 6-1, 6-2.
Sa first set nakapagbigay ng magandang laban si Johansson at namuro ito na kunin ang kalamangan sa seventh game nang umabante ito sa 15-40.
Ngunit handa si Patrombon na salubungin ang hamon nang bumangon ito at manalo sa tie break.
Na-break naman ni Patrombon ang Swede netter sa sumunod na game bago ang hold-serve uli para makuha ang first set.
Mula rito ay nawalan na ng kumpiyansa si Johansson upang madaling makuha ni Patrombon ang second set.
Bumalik si Patrombon ilang oras matapos ang kanyang laro at nakipagtambal kay Jaden Grinter ng New Zealand at ang fourth seed sa kompetisyon na bye din sa first round ay umukit ng 6-3, 6-4, panalo laban kina Kim Jae-Hwan ng Korea at Joey Swaysland ng Australia.
Sunod nilang kakaharapin ay sina Gao at Wang Chieh-fu ng Chinese Taipei na nanalo kina Monteban at Joshua Ward-Hibbert ng Great Britain.
- Latest
- Trending