MANILA, Philippines - Kung may isang koponan na hindi maaaring biruin sa bagong bubuksang liga na PBA Developmental League (D-League), ito’y ang MPTC-Nlex Road Warriors na hahawakan ni PBA champion coach Boyet Fernandez.
“Loaded ang team na ito sa lahat ng posisyon. We have five Fil-Ams and other players from Ateneo, San Sebastian, San Beda and UP forming this team. Walang problema sa talent, jelling na lang ang kailangan,” wika ni Fernandez sa panayam nang pormal na ipinakilala ang Road Warriors nitong Lunes ng gabi.
Sakay ang motto na ‘Fear No Man, Yeild no Ground’, ang mga pambatong collegiate players na sina Eric Salamat, Calvin Abueva, Ronald Pascual, Ian Sangalang at John Raymundo ang mangunguna sa koponan.
Ang mga Fil-Ams ay sina Cody Tesoro, Karl Matthew Dehesa, Christopher Allan Ellis, Christian Reyes at Clifford Marion Hodge habang ang mga Meralco players na ipinahiram ay sina Rogemar Menor at Clifford Arao. Sina Jaypee Belencion ng Letran, Woody Co ng UP at 6’7’ Eric Suguitan ang kukumpleto sa 15-manlalaro.
Idinagdag pa ni Fernandez na siya ang mismong pumili ng mga manlalarong bubuo sa koponan kaya’t kumbinsido siyang hindi na mauulit ang tinamong kabiguan nang hinawakan ang UP Maroons sa UAAP.
Hindi nakatikim ng panalo ang Maroons sa 14 na laro at 0-11 dito si Fernandez na naunang itinalaga bilang consultant pero naupo bilang head coach matapos ang 0-3 start ni Aboy Castro.