MANILA, Philippines - Habang asam ng Smart-Gilas Pilipinas ang kanilang pangatlong sunod na panalo, ipaparada naman ng San Miguel at Air21 ang kanilang mga bagong import.
Si David Young ang ibabandera ng Beermen bilang kapalit ni Ira Brown sa kanilang pakikipagharap sa Alaska Aces ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Nationals at Air21 Express sa alas-5 ng hapon sa elimination round ng 2011 PBA Com missioner’s Cup sa Cuneta Astodome sa Pasay City.
Hawak ng Rain or Shine ang liderato sa kanilang 3-0 kartada kasunod ang Smart-Gilas (2-0), Alaska (2-1), Talk ‘N Text (2-1), Derby Ace (2-2), San Miguel (1-1), Barangay Ginebra (1-2), Air21 (1-2), Powerade (1-3) at Meralco (0-3).
Si Young ay isang draftee ng Seattle Supersonics, ngayon ay Oklahoma City Thunder, noong 2004 NBA Draft ngunit pinakawalan rin kaya siya nagtungo sa Greece para maglaro sa koponan ng Trikala kung saan siya nagtala ng ave-rage na 20.5 points per game.
“We need an import that could create something,” ani coach Ato Agustin matapos ang 90-89 pagtakas ng Beermen sa Bolts mula sa buzzer-beating tip-in ni Brown noong Biyernes. ”
Isasalang rin ng San Miguel sina Jay Washington, Arwind Santos, Rabeh Al-Hussaini, Nonoy Baclao at Alex Cabagnot katapat sina LD Williams, LA Tenorio, Sonny Thoss, Cyrus Baguio at Joe Devance ng Alaska.
Nagmula ang Aces sa 89-91 overtime loss sa Nationals noong Marso 4.
Itatampok naman ng Express si Alpha Bangura, miyembro ng Libyan national team sa nakaraang FIBA Africa Championship, bilang kapalit ni Jeremy Robinson, umiskor ng 12 points sa 110-124 pagkatalo sa Tropang Texters noong nakaraang Sabado.
Kung hangad ng Air21 na makabangon mula sa naturang kabiguan, target naman ng Smart-Gilas na makasalo sa liderato ang Rain or Shine.
Itatapat rin ng Smart-Gilas sina Chris Tiu, JV Casio, Japeth Aguilar, Chris Lutz at Aldrech Ramos laban kina Bangura, Wynne Arboleda, Danny Seigle, Dondon Hontiveros, Dorian Pena at Paul Artadi ng Air21.
Si Arboleda ay napatawan ng one-year ban nang atakehin ang isang fan ng Smart-Gilas sa laro ng Burger King, ngayon ay Air21, sa 2009 PBA Philippine Cup na pinagwagian ng Whoppers, 115-105, noong Oktubre.