MANILA, Philippines - Tatlong manunumbok ng bansa ang nasa unang tatlong puwesto sa bagong rankings na ipinalabas ng World Pool Association (WPA).
Si Francisco “Django” Bustamante, na pinagharian ang World 9-Ball championship noong nakaraang taon ang bumabandera pero nakasunod sa kanya sina Antonio Lining at Dennis Orcollo.
Sina Bustamante at Orcollo nga ay kasama sa pinaralangan ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Annual Awards nitong Sabado bilang mga Athletes of the Year dahil sa ipinakitang husay noong 2010.
Ang WPA ay nagbibigay ng mga puntos base sa pagtatapos ng isang manlalaro sa mga palaro ng World 9-Ball, China Open, World 8-Ball, Philippine Open, Beijing Open, World 10-Ball Championship at US Open para madeteramina ang rankings ng mga pool players.
Si Bustamante ay nakalikom ng 1,000 puntos nang manalo sa 2010 World 9-Ball at 142 sa China Open bukod pa sa 150 sa katatapos na World 8-Ball para sa nangungunang 1292 puntos.
Si Lining ay sumali rin sa tatlong nabanggit na torneo at umani ng 640 sa 9-Ball, 300 sa China Open at 270 sa World 8-Ball para sa 1210 puntos.
Hindi naman nakasali si Orcollo sa China Open pero sinakyan ang pagdodomina sa Fujairah na nagbigay sa kanya ng 900 puntos at isama ang 180 puntos na nakuha sa World 9-Ball ay mayroon nang nalikom na 1,080 puntos.
Si Chinese Taipei Kuo Po Cheng ay nasa ikaapat na puwesto sa 1,058 puntos habang sina Niels Feijen ng Netherlands at David Alcaide ng Spain ang nasa sumunod na puwesto sa 942 at 858.
Ang dating World 9-Ball at 8-Ball champion Ronato Alcano at Oliver Medinilla ng Pilipinas ang magkasalo sa ikapito at walong puwesto sa 830 puntos habang ang kukumpleto sa top ten ay sina Shane Van Boening ng US at Jason Klatt ng Canada sa 797 at 732 puntos.
Sina Lee Van Corteza, Joven Alba, Jeff De Luna, at Efren “Bata” Reyes naman ang kasama sa top 20 at si Corteza ay nasa ika-13th sa 690 puntos; si Alba ay nasa ika-15th sa 630 puntos; si De Luna ay nasa ika-17th sa 617 puntos at si Reyes ay kasalo sa ika-20th puwesto kasama ni Mika Immonen ng Finland sa magkatulad na 577 puntos.
Si Rubilen Amit naman ang pambato ng bansa sa kababaihan at siya ay nalalagay sa ikapitong puwesto sa 869 puntos na nagmula sa 103 sa 2010 Amway Cup, 210 sa 2010 World 9-Ball, 156 sa 2010 China Open, 400 sa 2010 World 10-Ball Championship.
Nangunguna sa talaan si Kim Ga Young ng Korea na mayroong 1227 habang nasa ikalawa si Allison Fisher ng Great Britain sa 1140 at si Jasmin Ouschan ng Austria ang nasa ikatlo sa 995 puntos.