MANILA, Philippines - Hindi lamang si Manny Pacquiao ang nagbibigay ng karangalan sa bansa kung mundo ng palakasan ang pag-uusapan.
Ito mismo ang sinabi ni Pacquiao sa harap ng mga atletang pinarangalan sa 2010 PSA-Coca Cola Annual Awards Night sa Manila Hotel noong Sabado ng gabi.
Si Pacquiao ang siyang tumayo bilang pangunahing bisita at tagapagsalita upang maging kauna-unahang aktibong atleta na nabigyan ng ganitong pagkakataon sa seremonyang handog ng mga mamamayahag sa sports mula sa tabloids at broadsheets.
Sina Francisco Bustamante, Dennis Orcollo, Rey Saludar at Biboy Rivera ang mga nagsalu-salo sa tampok na parangal na PSA Athletes of the Year na kung saan ang pambansang kamao at kasalukuyang Kongresista ng Sarangani Province ang siyang naggawad ng mga tropeo.
“Ang gabing ito ay patunay na maraming magagaling na atletang Pilipino,” wika ni Pacquiao sa palabas na handog rin ng PSC, San Miguel Corp. Samsung, AirAsia-ABL-Harbour Centre, PBA, PAGCOR, NIhao Mineral Resources International Inc., Accel at International Container Terminal Services Inc. (ICTSI).
“There is so much to Philippine sports than boxing. There is so much to Philippine sports than Manny Pacquiao,” pagdedeklara pa nito.
Pinasalamatan niya ang mga atletang pinarangalan dahil sila ang nagpapatunay na dapat ipagmalaki ng lahat ang pagiging isang Filipino.
“Because of you, I have more reasons to say that I’m proud to be a Filipino,” wika pa ni Pacquiao.
Maliban sa apat na atletang ito, agaw eksena rin ang paggagawad ng Lifetime Achievement Award kina international boxing referee Carlos Padilla Jr. at legendary basketball coach Virgilio “Baby” Dalupan.
Si Padilla ay hinarana ng kanyang apong si singer/actress Karylle at sinamahan pa sa pagkanta ng anak niyang si Zsa Zsa Padilla.