MANILA, Philippines - Nagtapos ang kampanya ng Pilipinas sa 2011 Masters 10-Ball Championships sa Chesapeake Convention Center sa Chesapeake Virginia, USA nang matalo na sina Alex Pagulayan at Warren Kiamco sa loser’s bracket.
Matapos sibakin ang kababayang si Jundel Mazon, 8-6, ay minalas naman si Pagulayan sa laban nila ni Shawn Putnam ng US nang ipatikim nito ang 8-6 kabiguan para lasapin ang ikalawang kabiguan sa double-elimination round tournament.
Si Kiamco na kahihirang bilang US Bar Table Event All Around winner, ay naunang nanalo kay Corey Deuel, 8-7, pero kinapos sa Amerikanong si Rodney Morris sa tinamong 8-4 pagkatalo.
Ito ang unang pagkakataon sa taong ito na hindi kuminang ang mga lahok ng bansa sa larangan ng bilyar.
Si Pagulayan ay nanalo na ng tatlong titulo na Derby City Classic Banks Division, Jay Swanson Memorial at US Bar 10-ball event.
Pero ang may pinakamalaking panalo na nakuha ay si Dennis Orcollo na nagdomina sa World 8-Ball Championship sa Fujairah, UAE.