San Beda overall champion sa 86th NCAA

MANILA, Philippines - Nilagyan ng tuldok ng San Beda ang makulay na kampanya sa 86th NCAA season nang maibulsa ang overall title sa pinakamatandang collegiate league sa bansa.

Sinandalan ang pagdodomina sa mga larong basketball, football, swimming men’s table tennis at men’s at women’s taek­wondo, ang Red Lions ay naging overall champions sa unang pagkakataon sa NCAA nang makakuha ng nangungunang 337 pun­­tos.

Hindi nila pinaporma ang dating kampeon na Letran at ang naghahabol sanang College of St. Benil­de nang malagay lamang ang dalawa sa ikalawa at ikatlong puwesto sa 328 at 323 puntos.

“Nagawa ito ng San Be­da dahil sa pagsisikap at determinasyon ng mga atleta,” wika ni Jose Mari Lacson na MANCOM member ng San Beda.

Tampok sa dominas­yon ng Red Lions ay nang nakagawa sila ng 18-0 sweep sa men’s basketball na tiyak na hindi mabubura sa liga.

Pumang-apat sa ka­rera ang Perpetual Help (206) habang ang puwestuhan ng iba pang paaralan ay Arellano University (191), Emilio Aguinaldo Colle­ge (152), Mapua (139), at Jose Rizal University (127).

Kulelat man ay gumawa rin ng ingay ang Heavy Bombers dahil nasungkit nila ang kauna-unahang overall title sa centerpiece event na Athletics.

“Ipinagmamalaki namin ang kampeonato sa athle­tics dahil noon pang 1936 huling nanalo sa track and field ang JRU,” masayang binanggit ni Paul Supan na kinatawan ng paaralan sa Mancom.

Hindi naman nagpahuli ang San Sebastian dahil sila ang lumabas na hari sa juniors division.

Ang Staglets ay kumu­lekta ng 270 puntos para maideklarang run-away champions dahil ang mga nakalabang Junior Blazers at Red Cubs ay tumapos sa malayong 224.30 at 202 puntos ayon sa pagkakasunod.   

Show comments