Masolo ang liderato: Pakay ng elasto painters sa Tigers
MANILA, Philippines - Sa pagkatalo ng Aces, may pagkakataon ang Elasto Painters na palawigin ang kanilang pamumuno sa 2011 PBA Commissioner’s Cup.
Puntirya ang kanilang ikatlong sunod na panalo, sasagupain ng Rain or Shine ang Powerade ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang salpukan ng Barangay Ginebra at Derby Ace sa alas-6:30 ng gabi sa Araneta Coliseum.
Kabilang sa mga naging biktima ng Elasto Painters, sa ilalim ng bagong head coach na si Yeng Guiao, ay ang Llamados, 95-94, noong Pebrero 23 at ang Meralco Bolts, 101-92, noong Pebrero 27.
Dala ng Rain or Shine ang 2-0 baraha katabla sa liderato ang Smart Gilas kasunod ang Alaska (2-1), San Miguel (1-1), Air21 (1-1), Barangay Ginebra (1-1), Talk ‘N Text (1-1), Powerade (1-1), Derby Ace (1-2) at Meralco (0-3).
“I guess the nice thing about this team is we’re developing some character and we’re able to finish strong,” ani Guiao matapos ang kanilang paggupo sa Bolts. “I think that’s what we need for a young team like ours, to continue to develop some character in a close game and being able to close out well.”
Muling aasahan ng Elasto Painters sina NBA veteran Hassan Adams, Ronjay Buenafe, Gabe Norwood, Ryan Arana at John Ferriols katapat sina Russell Carter, Gary David, Dennis Espino, Norman Gonzales at Mark Macapagal ng Tigers.
Nanggaling ang Powerade ni Bo Perasol sa isang 80-94 kabiguan sa Talk ‘N Text noong Marso 2.
Sa ikalawang laro, tatangkain naman ng Llamados ni Jorge Gallent namasundan ang kanilang 121-92 paglampaso sa Express noong nakaraang Miyerkules na pumigil sa kanilang dalawang sunod na kamalasan.
Nagmula naman ang Gin Kings sa masaklap na 94-95 pagkatalo sa Aces na tinampukan ng isang krusyal na three-point shot ni point guard LA Tenorio.
Nakabangon ang Ginebra sa isang 26-point deficit sa second period para agawin ang 94-92 abante bago ang tres ni Tenorio para sa Alaska.
Aasahang muli ng Gin Kings sina import Nate Brumfield, Mark Caguioa, Willie Miller, Ronald Tubid, Eric Menk at Rico Villanueva laban kina Shamira Spears, James Yap, KG Canaleta, PJ Simon at Marc Pingris ng Llamados.
- Latest
- Trending