Pagulayan, Kiamco kumakasa pa sa loser's bracket sa World 10-Ball
MANILA, Philippines - Humihinga pa sina Alex Pagulayan at Warren Kiamco kung ang kanilang kampanya sa 2011 Masters 10-Ball Championships sa Chesapeake Convention Center sa Chesapeake Virginia, USA ang pag-uusapan.
Hindi napanatili ni Pagulayan ang paglalaro sa winner’s bracket nang matalo ito kay Rodney Morris ng USA, 8-4, sa ikatlong round ng kompetisyon.
Ang isa pang Pinoy na nasa winner’s group na si Jundel Mazon ay nabigo rin sa laro niya kontra kay Ralf Souquet ng Germany, 8-6.
Pero sa dalawang ito ay napatalsik na si Mazon dahil minalas siyang nakaharap si Pagulayan sa ikalawang laro at lumasap ng 8-6 pagkatalo.
Bukod kay Mazon ay pinagretiro na rin ni Pagulayan si Gabe Owen, 8-4, para makuha ang karapatang labanan naman si Shawn Putnam.
Si Kiamco na nalaglag sa loser’s group nang matalo kay Dennis Hatch, 8-2, sa ikalawang round ay nangibabaw naman kina Eddie Abraham, 8-3, Shane Van Boening, 8-1, at Corey Deuel sa mahigpitang 8-7 panalo.
Kakaharapin niya sa susunod na round ay si Morris na yumukod kay Souquet, 8-7.
Bukod kay Souquet, kumakampanya pa sa winner’s group sa double elimination round tournament na ito sina Mika Immo-nen, Mike Davis at Mike Dechaine.
Ang mangunguna sa winner’s group ay makakatapat naman ng magdodomina sa loser’s group para sa kampeonato ng torneo.
Pakay ni Pagulayan ang ikaapat na panalo sa taong ito matapos manalo sa Derby City Classic Banks Division, Jay Swanson Memorial at US Bar 10-ball event habang si Kiamco ay sariwa naman sa pagiging All Around winner ng US Bar Table Event.
- Latest
- Trending