MANILA, Philippines - Ito na ang pinakahihintay na pagkakataon ng Smart Gilas Pilipinas.
Kung hindi mapipirmahan ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang naturalization papers ni American Marcus Douthit sa susunod na linggo ay tuluyan nang magiging batas ang Douthit Bill na awtomatikong kikilala sa 6-foot-11 bilang isang Filipino citizen.
“It will lapse into law in a week, which would automatically grant Filipino citizenship to Marcus (Douthit),” sabi kahapon ni outgoing Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) executive director Noli Eala, nagbitiw sa kanyang puwesto noong nakaraang buwan para pumasok sa private sector.
Makukuha ni Douthit ang hinahangad niyang Filipino citizenship kung lalagdaan ng Pangulong Aquino ang kanyang mga papeles.
“It would really better if the President gives his official blessing by signing the naturalization papers of Marcus,” wika ni Eala na nagdagdag na kung hindi ito mangyayari ay maghihintay si Douthit ng month-long grace period para ito maging isang Douthit Bill na inakda ni Antipolo City Rep. Robbie Puno.
Ang tanging bagay na magkakait sa 30-anyos na si Douthit ng Filipino citizenship ay kung ipawawalang-bisa ito ng Presidente.
Kung maaaprubahan naman ay si Douthit ang babandera sa Smart Gilas para sa darating na 2011 FIBA-Asia Championship na nakatakda sa Setyembre 15-25 sa Wuhan, China na siyang qualifying tournament patungo sa 2012 Olympic Games sa London.
Sinabi rin ni Eala na siya ay maghahain ng accomplishment report bago siya opisyal na bumaba sa Marso 16.
“I would still be in the board though to help organize the FIBA-Asia Champions Cup to be staged in the country this May,” pagtatapos ni Eala.