Sen. Sotto panauhin sa PSA Awards Night
MANILA, Philippines - Idinagdag si Sen. Vicente `Tito’ Sotto III, isang true blue sportsman, sa pinakahuling listahan ng mga panauhing inimbitahan para sa PSA-Coca-Cola Annual Awards Night bukas sa Manila Hotel.
Isang accomplished musician at popular movie star at television host na bahagi ng iconic trio na Tito, Vic and Joey, si Senator Sotto ay naging miyembro rin ng national bowling team sa AMF Bowling World Cup sa Bogota, Colombia noong 1978 at sa Sydney, Australia noong 1985.
Apo ni dating Senator Vicente Y. Sotto ng Cebu, nakapasok si Senator Sotto sa quarterfinals ng 1978 World Cup, habang tumapos naman bilang 7th placer sa Sydney edition na ikinunsiderang Olympics of bowling.
Tatlong gold medals rin ang nakuha ni Sotto bilang bahagi ng bowling team sa Southeast Asian Games at umangkin ng bronze medal sa Asian Games.
Si Sotto ay bahagi ng Letran Knights bowling team sa NCAA noong 1964 hanggang 1966. Isa rin siyang mahusay na golfer na may 6-handicap.
Samantala, sina sports journalist Quinito Henson at sportscaster at television host Patricia Bermudez Hizon ang siyang tatayong host ng awards night na inihahandog ng Samsung, AirAsia-ABL-Harbour Centre, San Miguel Corp., the Philippine Sports Commission (PSC), Nihao Mineral Resources International Inc., Philippine Amusements and Gaming Corp (PAGCOR), Accel, Philippine Basketball Association (PBA) at International Container Terminal Services Inc. (ICTSI.
Sina Henson at Bermudez-Hizon ay naging host na ng nakaraang PSA awards. Ito ang ikalawang pagkakataon na magiging host si Henson ng PSA matapos makipagtambalan kay race car driving champion Gabby Dela Merced noong nakaraang taon, habang si Bermudez-Hizon ang naging lady co-hosts noong 2008 at 2009 editions.
Ang mga nakaraang host ng PSA Annual Awards ay sina dating PBL commissioner at sports broadcaster Chino Trinidad, many-time SEA Games karate gold medalists at news reporter Gretchen Malalad at newscaster at Lala Roque.
- Latest
- Trending