Pagulayan, Mazon palaban pa; Kiamco laglag sa loser's bracket
MANILA, Philippines - Kuminang pa rin ang tumbok nina Alex Pagulayan at Jundel Mazon nang makaabante sila sa susunod na round sa winner’s bracket sa idinadaos na 2011 Masters 10-ball Championships sa Chesapeake Convention Center sa Chesapeake Virginia, USA.
Si Pagulayan ay nangibabaw kay Brian Brekke ng USA, 8-2, upang maselyuhan ang pagkikita nila ni Rodney Morris ng USA na dinurog ang kababayang si Scott Tollefson, 8-0.
Mas matindi naman ang panalong iniukit ni Mazon dahil ang dating World champion na si Johnny Archer ng US ang kanyang pinagbagsak sa loser’s bracket sa 8-5, iskor.
Mabigat uli ang kalaban ni Mazon sa sunod niyang laro dahil si dating WPA 9-ball at 8-ball champion Ralf Souquet ng Germany ang kanyang makakatapat.
Umabante si Souquet sa bisa ng 8-3 tagumpay kay Hunter Lombardo ng US.
Hindi naman nakasabay sa panalo si Warren Kiamco nang bumagsak siya kay Dennis Hatch ng US, 8-2.
Walang momentum na nakuha si Kiamco sa kabuuan ng labanan dahil umabante agad sa 5-0 si Hatch para selyuhan ang dominanteng panalo.
Puwede pa naman maging palaban si Kiamco, tinanghal bilang US Bar Table Event’s All Around Champion, sa kampeonato pero kailangan niyang mapangunahan ang loser’s bracket.
Unang laban niya sa bracket na ito ay si Masafumi Mochizuki ng Japan.
Ang iba pang bigatin na nagsipanalo ay sina Earl Strickland, Mika Immonen, Shane Van Boening at Corey Deuel.
- Latest
- Trending