MANILA, Philippines - Nagpasikat agad ang sprinter na si Daniel Nova ng St. Benilde at middle distance runner Mervin Guarte nang magsipanalo sila ng ginto sa pagsisimula ng 86th NCAA Athletics championships na ginanap sa Rizal Memorial Track and Field Oval nitong Lunes.
Nakitaan ng tulin si Nova sa huling 20 metro sa 100m dash event para maisantabi ang malakas na pagdating din ni Christian Bagsit ng Letran.
May tiyempong 10.8 segundo si Nova na mas mabilis ng isang millisecond kay Bagsit (10.9) para kunin ang ginto ng Blazers at mapalakas ang paghahabol na ginagawa para sa overall title ng liga.
Pumangatlo si John Bulatao ng Perpetual Help sa 11.1 segundo para sa bronze medal.
Hindi naman nagpahuli si Guarte na dinomina ang 800m distansya matapos maorasan ng isang minuto at 52 segundo.
Pumangalawa naman sa karera si Edgardo Alejar ng Mapua na 1:53.2 sa pumangatlo si Roldan Verano ng Jose Rizal University sa 1:53.6.
Kuminang naman si Roberto Francisco sa larangan ng 110m hurdles sa bilis na 15.3 segundo habang si Domingo Cabadrilla ng Jose Rizal (16.1) at Patrick Faderogao ng Perpetual Help ang pumangatlo (16.4).
Pinalakas naman ng San Sebastian ang pagpapanatili sa juniors title nang kunin ang ginto sa 100m at 110m hurdles ni Roberto Francisco.
Naorasan ng 11.5 segundo si Francisco sa 100m race habang naorasan naman siya ng 16.1 segundo sa 110m hurdles. Nanalo naman sa 800m distansya si Kenneth Sardera ng Arellano sa bilis na 2:07.08.