Valenzona balik San Sebastian Stags
MANILA, Philippines - Ibinalik ng San Sebastian College ang coach na naghatid sa kanila ng apat na titulo.
Si Arturo Valenzona ang hinugot ng Stags bilang kanilang head coach sa 87th NCAA season at siyang totokahan na ibalik ang dating kinang ng koponan.
Pumasok si Valenzona bilang kahalili ni Renato “Ato” Agustin na tinanggap ang alok ng San Miguel Beer upang maging head coach.
Dalawang taon hinawakan ni Agustin ang Baste at napagkampeon niya ito sa kanyang unang taon noong 85th season.
Sa edad na 68, si Valenzona ay lalabas na pinakamatandang coach pero siyang may pinakamaraming titulong napanalunan sa apat na nakuha mula 1993 hanggang 1996.
Ang huling taon niya sa Baste ay nagresulta sa sweep ng koponan bago siya hinalinhinan ni Arturo Cristobal sa sumunod na taon.
“Ilang buwan din kaming naghanap ng tao at may mga pinagpilian pero lumabas na karapat-dapat si Valenzona na maupo uli bilang head coach,” wika ni Frank Gusi na San Sebastian athletic director.
Ang malawak na karanasan at championship experience nito ang isa sa mabigat na ikinonsidera para mapabalik sa koponan.
Tatangkain ni Valenzona na pigilan ang tangkang pagsalo sa kanya bilang winningest coach ng pinakamatandang liga sa bansa nina Frankie Lim ng San Beda at Louie Alas ng Letran.
Si Lim ay nagkampeon noong 2007, 2008 at 2010 at sa huling taon ay nakagawa ng kasaysayan sa pamamagitan ng 18-game winning streak.
Si Alas ay naghari naman sa liga noong 1998, 2003 at 2005.
- Latest
- Trending