MANILA, Philippines - Hindi nababahala ang mga Japanese netters sa slow court na itinayo sa Plantation Bay Resort and Spa sa Lapu Lapu City, Cebu mula Marso 4 hanggang 6.
Nakita na ng mga bisitang Japanese players ang lugar na paglalaruan at kasalukuyan nilang sinusubok ito bilang paghahanda sa pagharap sa hamon ng mga matitikas na manlalaro ng host team.
Para nga kay team captain Eiji Takeuchi, walang pinag-iba ang court na ito sa kanilang bansa kaya’t naniniwala ito na hindi makakaepekto ito sa inaasam nilang panalo.
“The court here is like what we have in Japan,” wika ni Takeuchi.
Ang isa lamang sa inaalala ng mga bisitang koponan ay ang init na posibleng bumalot sa palaruan kapag idinaos na ang kompetisyon.
“It must be hot. We already felt the humidity here and we have to get used to it,” wika ni Takeuchi.
Ang mga kakampanya para sa Japan ay sina Soeda Go, Tatsuma Ito, Yuichi Sugita at Takao Suzuki.
Sina Go at Suzuki ay kapwa kasapi sa koponan nang hiritan nila ng 5-0 panalo ang Pilipinas sa 2008 at 2010 edisyon.
Sina Fil-Am Cecil Mamiit at Treat Huey ang mangunguna sa Pilipinas kasama sina Johnny Arcilla at Elbert Anasta.
Naniniwala naman si coach Kentoro Maguda na magiging pahirapan ang labanan pero handa umano ang kanyang alagad na maipagpatuloy ang dominasyon ng Japan sa Pilipinas.
Ang draw ceremony ay gagawin bukas habang ang opening singles ay ilalarga na sa Biyernes. Ang unang laro ay itinakda ganap na ika-10 ng umaga habang ang ikalawang laro ay dakong alas-2:00.
Ang doubles ay sa lalaruin Sabado sa ganap na alas-2 ng hapon habang ang reversed singles ay itinakda naman sa Linggo.