Masama na naman ang umpisa ng B-Meg Derby Ace sa PBA Commissioners Cup. Nakalasap kaagad ng dalawang kabiguan ang Llamados upang mangulelat sa unang linggo pa lang ng torneo.
Well, ganito din ang nangyari sa Llamados sa nakaraang Philippine Cup kung saan natalo sila sa unang tatlong games kung kailan tila nangapa si George Gallent bilang bagong head coach ng team matapos halinhan si Paul Ryan Gregorio.
Natalo sila sa Talk N Text, Alaska Milk at Air21 para bumagsak agad sa huling puwesto.
Pero siyempre naman understandable ang bad start na iyon dahil sa hindi nila nakasama ang tatlong big men na sina Marc Pingris, Kerby Raymundo at Rafi Reavis.
Nang makapag-adjust sila ay rumatsada ang Llamados at nakarating naman sa semifinals kung saan natalo sila sa Talk N Text na siyang nagkampeon. So, kahit paano’y okay na rin ang naging pagpupugay ni Gallent bilang head coach sa PBA.
Kung okay ang bad start ng B-Meg noong Philippine Cup, aba’y hindi iyon okay ngayon. Kasi, noong nakaraang conference ay may 14 games sa elimination round. So, mayroong sapat na bilang ng laro upang makagawa ng adjustments at makabalik sa contention.
Pero sa kasalukuyan Commissioners Cup ay may siyam na games lang sa elimination round kung saan pagkatapos ay malalaglag kaagad ang huling apat na teams. Hind tulad ng Philippine Cup na dalawa lang ang nalaglag.
So, mas madugo ngayon! Hindi puwedeng magkasunud-sunod ang mga kabiguan tulad ng nangyari sa B-Meg Derby Ace.
Sinimulan ng Llamados ang kanilang kampanya noong Miyerkules kung kailan naungusan sila ng Rain or Shine, 95-94. Sa larong iyo ay sumandig sila sa import na si Rob Brown na binigyan nila ng pagkakataong makapagpakitang-gilas kahit na dumating na ang kapalit nitong si Shamari Spears.
Okay naman kahit paano ang naging performace ni Brown na nagtala ng 29 puntos, 11 rebounds, dalawang assists at dalawang steals sa 40 minuto.
Pero matapos ang larong iyon ay pinalitan na nga siya ni Spears na siyang naglaro para sa Llamados sa kanilang out-of-town game kontra Powerade sa Mindanao Civic Center sa Tubod, Lanao del Norte noong Sabado.
Siguro nga, sa pananaw ni Gallent ay mas mahusay si Spears. Kasi, mas maganda ang credentials nito. Pero hindi agad sumingasing si Spears kung kaya’t kahit paano’y naidikta ng Tigers ang game. Oo’t nakalamang ng sampung puntos ang Llamados pero madali itong napalis ng Tigers dahil sa sipag ni Russel Carter. At sa dakong huli nga’y nagtagumpay ang Powerade, 103-96.
Hindi pa rin naglalaro sina Raymundo at Reavis pero hindi na puwedeng maging excuse iyon. Sanay na ang Llamados na wala sila, e.
Marahil, ang excuse ngayon ay ang madaliang pagpapalit ng import at hindi pa nakapag-adjust si Spears sa kanyang mga kakampi dahil sa noong Martes lang ito dumating.
Ang susunod na game ng B-Meg Derby Ace ay laban sa Air21 Express sa Miyerkules. Kailangang makabangon na sila. Pero tila mahirap kalaban ang Express dahil sa mataas ang morale nito matapos na talunin ang San Miguel Beer.
Parang delikado ah!