MANILA, Philippines - Isa pang Filipino cue-artist ang magtatangkang sundan ang yapak nina Alex Pagulayan at Dennis Orcollo na kuminang sa mga kompetisyong kanilang sinalihan.
Si Warren Kiamco ay umusad sa finals ng 14th Annual US Bar Table Championship 8-ball Division makaraang dispatsahin ang nakalabang American na si Amar Kang sa kanilang race to five matches na idinaos sa Sands Regency Hotel sa Reno, Nevada kahapon.
Ang panalo ay naghanay kay Kiamco, isa sa pambato ng Negros Billiards Stable (NBS) sa finals kung saan makakasagupa niya ang canadian na si John Morra.
Si Kiamco ay nanalo na sa 8-ball division at kung mapagtagumpayan na mangibabaw kay Morra, siya ang lalabas na overall champion sa 14th edition ng nasabing kompetisyon.
“Sana manalo tayo sa finals kay (John) Morra, para madeklara tayong over-all champion,” ani Kiamco, kinuha rin ang 9-ball crown may apat na taon na ang nakakaraan.
Nag-bye sa first round, tinalo ni Kiamco sina Mark Estes, Jerry Matchin, Stan Tourangeau at Sylver Ochoa para umabante sa Final stage na kung saan tinalo naman niya sina Brandon Ashcraft at Kang para makaabante mula sa winner’s bracket.
Si Morra naman ang nagpatalsik kay Kang para mapangunahan ang loser’s bracket.
Bago ang 9-ball ay tinalo muna ni Kiamco si Leron Neval ng US para manalo sa 9-ball division.
Si Pagulayan ang unang nakapagpasikat sa 2011 US Bar Table Championship nang magkampeon siya sa 10-Ball laban kay Morra nitong nakaraang linggo.
Tumanggap na ng $4,650 premyo si Kiamco nang manalo sa 9-ball at kung magkakampeon pa sa 8-ball ay maibubulsa rin ang karagdagang $5,000 bonus.
Matapos ni Pagulayan, naghari naman si Orcollo sa World 8-Ball Championship sa Fujairah, UAE nitong Sabado upang magsungkit ang $40,000 unang gantimpala at pinakamalaking panalo sa 2011.